364 total views
Mga Kapanalig, ginugunita natin sa araw na ito ang World Oceans Day. Layunin nitong bigyang-diin ang mahalagang papel ng mga karagatan sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa pamamagitan ng temang “The Ocean: Life and Livelihood,” hangad ng pagdiriwang ngayong taon na ipakita ang malalim na ugnayan ng buhay ng lahat ng nilikha at ng karagatan.
Madalas nating marinig na ang mga kagubatan ang lungs o baga ng ating daigdig ngunit ganito rin ang mga karagatan. Kalahati ng oxygen supply ng ating mundo ay nakadepende sa mga karagatan. Sa katunayan, 70% ng daigdig ay balót ng tubig. Itinuturing na tahanan ang malaking bahaging ito ng mundo ng iba’t ibang hayop at halaman. Noong 2018, 179 milyong toneladang isda ang nakuha sa mga karagatan, at 156 milyong tonelada rito ay nakarating sa ating mga tahanan at ating kinain. Sa taon ding iyon, tinatayang 59.5 milyong katao ang nagtatrabaho sa pangisdaan kung saan 20.5 milyon ang nasa aquaculture at 39 milyon ang nangingisda sa dagat. Tunay ngang sinusuportahan ng karagatan ang malaking bahagi ng ating buhay mula sa ating paghinga, pagkain, at kabuhayan.
Sa kabila ng mga benepisyong bigay sa atin ng mga karagatan, 90% ng malalaking isda ay ubos na, at kalahati ng mga coral reefs o bahura ay sirâ na. Tinataya rin ng Food and Agriculture Organization na bumaba sa 65.8% noong 2017 mula sa 90% noong 1974 ang bilang ng fish stocks na pasók pa sa sinasabing biologically sustainable level o ang antas na sapat pa upang mapanatiling buhay ang ilang mga isda. Labis na inaabuso ng tao ang mga karagatan.
Noong Sabado, ginunita naman ang International Day for the Fight Against Illegal, Unreported and Unregulated Fishing. Sa paggunitang ito, makikita natin ang ating suliranin sa pamamahala sa ating mga pangisdaan, lalo na ang iligal na pangingisda. Tinatayang 11 hanggang 26 milyong tonelada ng isda ang iligal na hinuhuli at hindi naitatala. Nagreresulta ito sa kawalan ng maayos na datos at hindi akmang mga patakaran sa pamamahala ng pangisdaan. Nasisira ang ating mga karagatan dahil sa labi-labis na pang-aabuso.
Ang pangagalaga sa ating kalikasan, kabilang ang mga karagatan, ay tungkulin ng bawat isa sa atin. Binibigyang-diin ng mga panlipunang turo ng Simbahan na upang magampanan ang responsibilidad na ito, kinakailangan ng malalim na pag-unawa sa katotohanang magkakaugnay ang lahat ng nilikha. Tulad nga ng binabanggit sa Laudato Si’, ang ensiklikal ni Pope Francis, ang pagkasira ng mga karagatan ay bunga rin ng deforestation o pagkakalbo sa mga kagubatan, mga mapanirang gawain sa agrikultura, at maging ng mga dumi mula sa iba’t ibang industriya. Ibig sabihin, lahat ng pagbabago sa isang bahagi ng kalikasan ay madarama ng kabuuan, agad-agad man o sa pagtagal ng panahon.
Ang pagkasira ng mga karagatan, dala ng samu’t saring dahilan, katulad ng pagkaubos ng mga coral reefs at lamang-dagat, ay isyu rin ng katarungan. Hindi ba’t pagnanakaw na ring maituturing ang pagkakait sa mga susunod na henerasyon ng mga yaman ng karagatang unti-unti nang nauubos? Lahat ng mayroon tayo ay pamana sa atin ng mga nauna sa atin. At sa tuwing pinipinsala natin ang kalikasan, nagiging kasabwat tayo sa kawalan ng hustisya.
Mga Kapanalig, ayon sa Genesis 1:20-21, “Sinabi ng Diyos: ‘Magkakaroon sa tubig ng maraming bagay na may buhay’… Nilikha ng Diyos ang mga dambuhala sa dagat, at lahat ng bagay na nabubuhay sa tubig… Nasiyahan ang Diyos nang ito’y masdan.” Nawa’y huwag natin hayaang tuluyang masira ang kasiya-siyang nilikha ng Diyos. Ang karagatan ay bahagi ng ating buhay, at ang buhay natin ay bahagi ng karagatan.