210 total views
Nagbabala ang World Health Organization laban sa binabalak na pagluluwag sa minimum public health standards ng Pilipinas laban sa COVID-19.
Sa isinagawang public briefing, sinabi ni WHO Representative Rabindra Abeyasinghe na hindi pa maaaring bawasan ang pagpapatupad sa basic health protocols laban sa COVID-19 transmission dahil mababa pa rin ang estado ng pagbabakuna sa bansa.
Kaugnay nito, Iginiit ni dating Special Adviser to the National Task Force on COVID-19 Dr. Tony Leachon na hindi napapanahon ang panawagang ihinto na ang paggamit ng face shield bilang proteksyon laban sa COVID-19 transmission.
Sa panayam sa Radio Veritas, ipinaliwanag ni Dr. Leachon na malaki ang epekto ng pagsusuot ng face shield dahil nakadaragdag ito sa kaligtasan ng publiko upang maiwasan ang COVID-19 infection.
Samantala, ipinapaalala naman ni CBCP-Episcopal Commission on Health Care Vice Chairman, Military Bishop Oscar Jaime Florencio na makatutulong ang patuloy na pagsunod sa mga panuntunan sa pagsusuot ng face mask, face shield, physical distancing at regular na paghuhugas ng kamay bilang pag-iingat na mahawaan o makahawa ng virus.
Batay sa huling ulat ng Department of Health, umabot na sa 1.27-milyon ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan nasa 6,539 ang panibagong kaso, habang nasa 6,969 ang naitalang mga gumaling at 71-katao ang mga nasawi.