703 total views
Pinaalalahan ng mga eksperto ang mga nakakaranas ng kalungkutan at matinding stress dahil sa iba’t-ibang suliranin dulot ng pandemya na maging bukas sa pakikipag komunikasyon sa kapwa.
Sa panayam ng programang Caritas in Action kay Ms. Angela Ulep ng Childfam Possibilities, mahalaga ang komunikasyon sa kapwa kahit na mayroon mga ipinapatupad na social distancing at restriction bilang bahagi ng pag-iingat sa Covid19.
Ayon kay Ulep, mahalaga ang pagpapanatili ng ugnayan sa kapwa at mga mahal sa buhay lalo na kung nakakaranasan ng depresyon o matinding kalungkutan dahil sa mga pagsubok na ating pinagdadaanan.
Sinabi ng CHILDFAM na hindi dapat maging hadlang ang tinatawag na ‘Physical Isolation’ upang sarilinin ang mga problema dahil may mga teknolohiyang maaring magamit upang makipag-usap o magbahagi ng nararamdaman sa kapwa.
Kaugnay nito, aminado si Ulep na marami din ang suliranin ngayon ang nangangailangan ng tulong dahil sa pagkakasakit o kawalan ng trabaho dulot ng pandemya.
Hinikayat niya ang bawat isa na magtulungan at magpamalas ng pag-ibig sa kapwa.
“gusto natin ipaalala na marami talaga sa atin ngayon ang dumaranas ng pagsubok o ibat ibat problema pero sana maisip natin sa kung anong paraan ang pwede nating gawin kaihit sa maliit na paraan subukan natin na magtulungan”dagdag pa ni Ulep sa panayam ng Caritas in Action Program.
Batay sa Datos ng Department of Health mula taong 2005 hanggang 2015 ay tumaas ng 18 porsyento ang bilang ng nakakakaranas ng depression sa Pilipinas.
Para sa mga nangangailangan ng tulong o suporta maaring makipag-ugnayan sa Childfam Possibilities Psychosocial Services sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang facebook o website na www.childfampossibilities.com