396 total views
Maging maingat sa pagkonsumo ng pagkain ngayong pandemya. Ito ang paalala ni Camillian Priest Fr. Dan Vicente Cancino, bilang bahagi ng pagkakaroon nang maayos at malusog na pangangatawan sa gitna ng umiiral na coronavirus pandemic.
Ayon kay Fr. Cancino, Executive Secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care, piliin ang mga pagkain na nagdudulot ng magandang epekto sa kalusugan na karagdagang proteksyon laban sa iba’t ibang uri ng sakit.
“Let’s try to practice mindful eating. ‘Yung ating mga kinakain ay dapat tingnan din natin kung ito ay nakakaganda sa ating kalusugan,” paalala ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi naman ng pari na bunsod din ng hindi tiyak na pagpili sa pagkain kaya marami ang nasasayang at itinatapon na lamang.
Pakiusap ni Fr. Cancino sa mamamayan na isaalang-alang ang wastong pagsukat sa ikokonsumong pagkain, gayundin ang kapakanan ng mga nasa mahihirap na komunidad na nakakaranas ng matinding kagutuman.
“Pakakatandaan natin na mayroon tayong tinatawag na nutritional requirement at para din hindi tayo mag-aksaya ng pagkain. Maraming pagkain ngayon ang nasasayang at marami ring mga tao ang nagugutom,” ayon sa pari.
Ipinaalala ni Fr. Cancino na ugaliin ang pagkakaroon ng ligtas at maayos na food hygiene, tulad ng wastong paghuhugas sa mga prutas, gulay, karne at iba pa.
Gayundin ang tama at naaangkop na pagluluto sa mga pagkain upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na maaaring makuha sa kontaminadong pagkain.
“Practice safe food hygiene. Kapag sinasabi nating food safety, tamang pagluluto at tamang paghuhugas ng pagkain. Tatandaan natin, itong food safety natin is very very important upang maiwasan ang mga bacteria na maaaring makuha rito at magdulot ng iba’t ibang karamdaman,” payo ni Fr. Cancino.
Noong June 7 ay ipinagdiwang ang World Food Safety Day na may temang ‘Safe food today for a healthy tomorrow’. Batay sa pag-aaral ng World Health Organization, isa sa sampung indibidwal sa buong mundo ang nagkakasakit bawat taon mula sa pagkonsumo ng kontaminadong pagkain, at 420,000 katao naman ang naitatalang nasasawi bawat taon dahil dito.