570 total views
Tinututukan ng Lipa Archdiocesan Social Action Commission ang pangangailangan ng libu-libong evacuees sa Batangas na nagsilikas dahil sa bantang pagsabog ng Taal volcano.
Inihayag ni LASAC Advocacy Officer Renbrandt Tangonan na nasa mahigit 3000 pamilya ang kasalukuyang nasa mga evacuation centers. Sinabi ni Tangonan na ito ang mga pamilya na inilikas at hindi na muling makakabalik sa Taal Volcano Island makaraang ideklara bilang Permanent Danger Zone.
“Mayroon pa rin pong higit na 3000 pamilya ang nananatili sa mga evacuation center… kada evacuation center mayroong higit 500 mga pamilyang naninirahan, close to over 1000 individuals… so ito po ay talagang minomonitor ng ating lokal na simbahan sa pamamagitan ng Social Acton Commission at gayundin po ng mga volunteers,” pagbabahagi ni Tangonan
Nakataas pa rin sa Alert level 2 ang sitwasyon ng Bulkang Taal kaya puspusan pa rin ang ginagawang paghahanda at pag-iingat ng mga residenteng nakapaligid dito.
Kaugnay nito, isang mobile application na tinatawag na TaALERT app ang nilikha upang magbigay ng impormasyon at babala sa mga residente ng Batangas sakaling muling magligalig ang Bulkang Taal.
Ayon kay TaALERT Chief Executve Officer at Founder, Drizela Sicat, ang application na ito ay nagbibigay ng mga real-time updates tungkol sa aktibidad ng bulkang Taal, kabilang na ang mga impormasyon hinggil sa paghahanda sa sakuna at mga mapanganib na lugar na dapat iwasan.
“It’s an information bank na lahat ng importanteng bulletin and events related to Taal [Volcano] ay nandito po sa TaALERT natin,” pahayag ni Sicat sa panayam sa Barangay Simbayanan.
Ipinaliwanag ni Sicat na ang TaALERT ay makakatulong din na makipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan hinggil sa mga balita at lokasyon ng evacuation centers na maaaring mapuntahan sa panahon ng sakuna, gayundin ay mayroon din itong kakayahan na malaman ang safety status at lokasyon ng mga registered users. Sinabi ni Sicat na madali lamang itong i-download at mayroong babayaran ngunit sa murang halaga lamang.
“There’s a one-time payment of 59 pesos. As of today it’s available in Google Play, hopefully in the coming days, magiging available na rin po siya sa Apple Play Store po,” saad ni Sicat.