196 total views
Pagiging aktibo sa tahanan, makatutulong sa kalusugang pangkaisipan. Ito’y ayon kay Camillian Priest Fr. Dan Vicente Cancino, Executive Secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines – Episcopal Commission on Health Care, hinggil sa dinaranas na mental health problem dulot pandemya.
Ipinaliwanag ni Fr. Cancino na mahalagang magkaroon ng pisikal na gawain, tulad ng pag-ehersisyo kahit 30-minuto lamang sa isang araw upang mapanatiling malusog ang pangangatawan, maging ang pangkaisipan ng mga tao.
“Parte ng well-being and resiliency sa mental health is to stay active at home… Magkaroon tayo ng physical activity daily at least 30 minutes a day. ‘Yung body and mind kasi natin dapat mayroong activities ‘yan, kaya mas magandang magplano tayo ng oras para sa mga activities,” ayon kay Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Inihalimbawa naman ng pari ang mga naka-work-from-home na madalas na maghapong nakaupo at hindi pa nakasaayos ang posisyon ng katawan at likod.
Payo ni Fr. Cancino na magandang gawin rito ang pagkakaroon ng regular na pahinga sa pagkakaupo, at ugaliin ang pag-uunat at saglit na paglalakad.
“Doon sa mga nagtatrabaho sa kanilang mga tahanan o may mga meeting online, you have to take regular break from seating by stretching or by getting a quick walk. Also, follow online exercises,” payo ni Fr. Cancino.
Kaugnay nito, ilan pa sa mga mental health exercises na maaaring gawin sa mga tahanan ngayong pandemya ay ang pagdarasal ng Santo Rosaryo o pakikibahagi sa mga online healing masses; paghinga nang malalim na makatutulong upang maging kalmado ang kaisipan; regular na pangungumusta sa mga kapamilya at kaibigan sa pamamagitan ng ‘video call’ at iba pang ‘social media platforms’; at ang pakikinig sa mga kanta at tugtuging makakatulong sa pagpapakalma ng isipan.
Batay sa tala ng National Center for Mental Health (NCMH), umabot sa 3,006 ang mga tawag na kanilang natanggap noong Enero hanggang Marso, 2021.
Inihayag ng NCMH na nasa pagitan ng 35 hanggang 53 ang bilang ng daily average calls na natatanggap ng ahensya, habang tumaas naman sa 289 ang monthly average calls na may kaugnayan sa suicide.
Nauna nang nanindigan ang simbahang katolika na mahalagang matutukan ang mental health ng mamamayan lalo na ang mga nahawaan ng virus upang mabawasan ang pangamba, lumbay at maging ang labis na pag-iisip.
Nakikipagtulunagn din ang simbahan sa pamahalaan upang matugunan ang tumataas na kaso ng depresyon sa bansa nang magsimulang magpatupad ng community quarantine noong Marso nang nakaraang taon.