502 total views
Inihayag ng pinuno ng Pambansang Dambana ng Mahal na Birhen ng Fatima na ang pagtalaga ng bansa sa Mahal na Ina ay pakikiisa ng mananampalataya sa pag-alay ng pag-ibig sa Panginoon tulad ng halimbawa ni Maria.
Sa pagninilay ni Fr. Elmer Ignacio, Kura Paroko at Rector ng dambana, mahalagang maunawaan ng tao ang tunay na kahulugan ng pagtatalaga sa Mahal na Ina at sa Panginoon.
“A consecration is to join our imperfect love of a human person to that love of the Blessed Mother which is a perfect offering of love response of human love to God,” bahagi ng pagninilay ni Fr. Ignacio.
Ito rin ang pagninilay ng pari sa Kapistahan ng Kalinis-linisang puso ni Maria kung saan itinalaga ng simbahang katolika ng Pilipinas ang buong bansa sa pangangalaga ng Mahal na Ina.
Paliwanag ni Fr. Ignacio na kahanga-hanga at dalisay ang pag-ibig ng Mahal na Birhen sa Panginoon sapagkat matapat nitong sinunod ang kanyang kalooban na dalhin sa sinapupunan si Hesus upang tubusin ang sanlibutan sa kasalanan.
Sinabi ng pari na nawa’y tularan ng bawat isa ang pagiging masunurin ni Maria sa kalooban ng Ama sa kabila ng mga paghihirap na dinaanan tulad ng kasalukuyang pandemya na kinahakarap ng buong daigdig.
Binigyang diin ni Fr. Ignacio na ang bawat isa ay itinalaga ng Panginoon sa kabanalan sa pamamagitan ng mga sakramentong tinanggap.
“Ang Diyos ang nagpabanal sa atin, it is primarily the act of God consecrated us by giving us this baptism and all the sacraments that we received, we are consecrated,” ani Fr. Ignacio.
Pinangunahan ni Davao Archbishop Romulo Valles, pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang National Consecration to the Immaculate Heart of Mary mula sa Davao City habang ang National Shrine of the Our Lady of Fatima naman ang nanguna sa Banal na Misa.
Ito rin ang ikasiyam na taong pagtatalaga ng bansa sa Mahal na Birhen tuwing Hunyo kasabay ng paghahanda ng bansa sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity.