324 total views
Inaanyayahan ng pamunuan ng 1Sambayan na pambansang koalisyon na binuo para sa 2022 national elections ang lahat na makibahagi sa paghahanda para sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ayon kay 1Sambayan Chairman at Lead Convenor retired Supreme Court Justice Antonio Carpio, lamang sa mismong araw ng halalan dapat na magkaisa ang sambayanan kundi maging sa paghahanda upang matiyak na magiging maayos, matapat at matagumpay ito.
Sinabi ni Carpio na dapat mula sa simula ay maging aktibo na ang bawat mamamayan sa paglaban para sa kapakanan ng bayan.
“Sa araw ng botohan pantay-pantay ang boses ng bawat Filipino, ang boto mo at boto ko parehas ng timbang. Ngayon may boses ka na rin sa pagpili ng mga pangalang pagpipilian mo sa balota mo. Download the 1SAMA App and be part of 1Sambayan, sa tulong mo hindi masasayang ang boto nating lahat dahil may boses ka na sa umpisa palang ng laban para sa bayan.” pahayag ni Carpio.
Sa naganap na ‘Isang Boto, Isambayan – Piliin ang ating pambato’ ng 1Sambayan kasabay ng paggunita ng ika-123 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng bansa, inihayag ng 1Sambayan ang inisyal na listahan nito ng mga nominado at pagpipiliang kandidato para sa pagkapangulo at pangalawang pangulo sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Kabilang sa anim na mga pinangalanan ng 1Sambayan ay sina Vice President Leni Robredo, Senator Grace Poe, Deputy Speaker CIBAC Partylist Rep. Eduardo “Bro. Eddie” Villanueva, Human Rights Lawyer Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno, formen Senator Antonio “Sonny” Trillanes IV at Deputy Speaker Batangas Rep. Vilma Santos-Recto.
Ayon kay Brother Armin Luistro, FSC, Provincial Superior ng De La Salle Brothers in East Asia at isa sa mga Convenor ng 1Sambayan, nakausap ng pamunuan ng koalisyon ang mga pinangalanang personalidad na pawang pumayag na mapasama sa listahan ng mga pagpipiliang kandidato para sa dalawang pinakamahalagang posisyon.
Inihayag ni Luistro na kabilang sa napagkasunduan ay ang pagpapaloob ng mga ito sa proseso ng pagpili ng 1Sambayan at ang pagbibigay galang at suporta sa kung sino man ang opisyal na mapipili upang magsilbing kandidato para sa oposiyon.
Layunin ng koalisyon na maisulong ang pagkakaisa ng iba’t-ibang mga grupo at sektor upang manindigan kung sino ang mga nararapat na mga opisyal na makabubuti para sa bayan.