467 total views
Pinaalalahanan ni Cebu Auxiliary Bishop Midyphil Billones ang mamamayan na ang tunay na debosyon ay pagsunod sa mabubuting halimbawa ng isang banal.
Ayon kay Bishop Billones mahalagang tularan ng mamamayan ang gawain ng mga banal at isabuhay sa kapwa upang higit na mabigyang kahulugan ang pagdedebosyon.
“Devotion is not only intercession but imitation of our patron,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Billones.
Ito ang pagninilay ng obispo sa kapistahan ni San Antonio de Padua nitong Hunyo 13 sa misang ginanap sa St. Anthony of Padua Parish, Danao City Cebu.
Inihayag ni Bishop Billones na ang tunay na deboto ni San Antonio ay nagsasabuhay sa kanyang mga turo at halimbawa sa halip na humihiling lamang tuwing nangangailangan ng tulong.
Sinabi pa ng obispo na mahalagang ibahagi ang pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan ng paglingap sa kapwa lalo na ang higit nangangailangan sa lipunan.
“The love of Christ impels us to act with gratitude. When you are loved by someone, you want to repay and show love in return, and even pass it forward. That’s why we become more generous, more loving, more patient, more committed to serve one another especially the poor,” ani Bishop Billones.
Ito rin ang mga halimbawa ni San Antonio na naging tapat sa paglilingkod sa Panginoon na ipinakikita sa pagkalinga sa kapwa lalo na sa mga dukha sa lipunan.
Si San Antonio de Padua ay isang Franciscanong misyonero na kinikilalang patron ng mga maralita at mga nawawalan ng gamit. Namatay sa sakit ang santo noong Hunyo 13, 1231 sa Italya.
Umaasa si Bishop Billones na palalaguin ng bawat binyagang mananampalataya ang debosyon kay San Antonio sa pagsasabuhay ng mga halimbawa at pagpapalaganap sa turo ng Simbahan.