394 total views
Hindi nababalewala ang mga maliliit na butil ng kabutihan na ginagawa ng bawat isa.
Ito ang tiniyak ni Archdiocese of Manila Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo kaugnay sa pagsusumikap ng bawat isa na makagawa ng mabuti maging sa simpleng at maliiit na pamamaraan.
Ayon sa Obispo na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity, ang Pondo ng Pinoy ang isang pinaka-naaangkop na halimbawa na mayroong naidudulot na kabutihan para sa mas nakararami ang butil ng kabutihan na ginagawa ng bawat isa.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, sa loob ng 17-taon ng Pondo ng Pinoy ay malayo na ang naabot at napagkalooban ng tulong mula sa bente singko sentimos na ibinabahagi ng bawat isa.
Sinabi ng Obispo na sa simpleng pagbabahagi ng bente singko sentimos maging ng mga bata at ng mga walang-wala sa buhay ay nakalikom na ang Pondo ng Pinoy ng may 450-milyong piso na nagsilbing daan upang makatulong ang programa sa mas nakararami.
“Tingnan natin ang Pondo ng Pinoy. Ngayong taon ay ika-17 taon na ng Pondo ng Pinoy. Sa pagbibigay natin ng beinte singko araw-araw, na pati na ang mga bata ay nakabibigay, pati na rin ang mga street people ay nagbibigay ng 25 centavos, nakalikom na ang Pondo ng Pinoy ng 450 million pesos! Ilang libo na ang napakain sa mga feeding programs ng Hapag-Asa, ilan na ang mga napaaral, ang mga napagamot, ang mga bahay na naitayo, at nabigyan ng puhunan sa buong bansa? Tahimik lang ito sa pag-iipon at pagbigay ng programa pero madami ang nabigyan ng pag-asa.” pahayag ni Bishop Broderick Pabillo.
Giit ni Bishop Pabillo, hindi dapat ipagsawalang bahala ang maliliit na butil ng kabutihan na ginagawa ng bawat isa sapagkat kayang palaguin ng kapangyarihan ng Diyos maging ang maliliit at simpleng pagsisikap ng bawat isa para sa kabutihan ng mas nakararami.
Ang Hapag-Asa Feeding Program ang maituturing na pangunahing programang pinuponduhan ng Pondo ng Pinoy na itinatag ni Manila Archbishop Emeritus Gaudencio Cardinal Rosales noong 2004 upang mangalap ng mga barya para sa mga programa ng Simbahan.
Bukod dito layon rin ng Pondo ng Pinoy na hikayatin ang mga Pilipino na mag-impok hindi para sa sarili kundi para sa pagtulong sa kapwa kahit sa maliit na paraan.