360 total views
Palaging nariyan ang Simbahang Katolika para sa mga mahihirap.
Ito ang binigyang-diin ni Rev. Fr. Erik Adoviso, tagapamuno ng Commission on Social Services and Development o CSSD ng Archdiocese of Manila kaugnay sa patuloy na paglilingkod ng Simbahang Katolika para sa mga dukha at nangangailangan.
Sa programang Caritas in Action, inihayag ni Fr. Adoviso kung paano kumikilos ang kanilang mga ministry sa Arkidiyosesis ng Maynila upang maging katuwang ng mga mahihirap lalo na sa gitna ng pandemya.
Paliwanag ni Fr. Adoviso, hindi kailanman tatalikuran ng Simbahan ang mga mahihirap sapagkat isa ito sa katuruan na ipinahayag at ipinamalas sa ating ng Poong Hesukristo.
“Ang Simbahan ay malinaw na ito ang tinututukan, of course, sa Simbahan, maraming Ministry pero ito ay magkaka-ugnay tahi-tahi ito hindi ito magkakahiwalay hindi ito nilalagyan ng pader ito ay magkakasama para sa ganun maging totoo ang misyon ng Simbahan lalo na sa human development at sa ganun din naman po ang Salita ng Diyos at ang mga sinasabi sa Ebanghelyo ay makikita doon sa serbisyo ng Simbahan.” Pagbabahagi ni Fr. Adoviso.
Aminado si Fr. Adoviso na sa maraming pagkakataon ay nasusubok ang kakayanan ng Simbahang Katolika lalo na dahil sa kagustuhan nito na maabot ang maraming nangangailangan.
Aniya malaki ang maitutulong ng patuloy na suporta at pagdarasal ng mga mananampalataya upang lalo pang mapagtagumpayan ng Simbahang Katolika ang misyon nito.
“Yun po ang nagiging challenge sa atin pero nagiging opportunity din sabi nga ng isang manunulat, kung saan may paghihirap ay naroon ang Simbahan, ispirituwal man yan o materyal o pisikal nandun ang simbahan nararamdaman ng mga tao at sa pamamagitan ng Simbahan palagay ko nararamdaman kahit papapano ng mga tao na tayo ay palaging nariyan.” Paliwanag pa ng Commissioner ng CSSD sa Archdiocese of Manila.
Kaugnay nito, umaasa si Fr. Adoviso na sa tulong ng makabagong teknolohiya ay patuloy na magiging ehemplo ang Simbahang Katolika para maipamalas ang pagtulong sa kapwa.
Hinikayat niya ang mga mamamayan na tularan ang mga apostol sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng mga gawa at pagkilos ng Simbahan maging sa makabagong panahon.
“Nakikita at nadarama po nila kung gaano sila kamahal ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga tao na nakita at naranasan ang pag ibig ng Diyos.” Dagdag pa ng Pari.
Magugunitang ang Simbahang Katolika ang itinuturing na pinakamalaking Charitable Organization sa buong mundo.
Sa kasagsagan ng pandemya ay libo-libong pamilya ang nabigyan ng tulong ng mga Parokya at Institusyon ng Simbahang Katolika partikular na ng Caritas Manila kung saan tinatayang umabot ito sa 1.3 bilyong piso katuwang ang ilang mga pribadong sektor.