204 total views
Mga Kapanalig, inako ng Communist Party of the Philippines (o CPP) at ng armadong sangay nito na New People’s Army (o NPA) ang pagkamatay ng 21-taóng gulang na football player ng Far Eastern University na si Keith Absalon at ng kanyang pinsan habang nagbibisikleta sa isang barangay sa Masbate. Namatay ang magpinsan nang sumabog ang isang improvised explosive device na itinanim ng NPA. Humingi ng paumanhin ang CPP sa pamilya ng mga biktima at sa sambayanang Pilipino para sa nangyaring trahedya.
Ngunit ayon sa mga kaanak at batay na rin sa mga nakuhang larawan sa mga biktima, may mga bakas ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang magpinsan. Ito—at hindi ang sumabog na bomba—ang pinaniniwalaan nilang naging dahilan ng pagkamatay ni Keith at ng kanyang pinsan. Inaalam pa rin sa imbestigasyon kung ito nga ba ang naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Ayon sa Commission on Human Rights (o CHR), labag sa tinatawag na International Humanitarian Law ang paggamit ng anti-personnel landmine gaya ng ginawa ng NPA. Maliban sa nakapipinsala o nakamamatay ang mga ito, lubhang delikado ito dahil maging ang mga inosenteng walang kinalaman sa tunggalian sa pagitan ng puwersa ng pamahalaan at mga rebeldeng grupo ay nadadamay, katulad nga ng nangyari kina Keith at sa kanyang pinsan.
Sa tala ng Armed Forces of the Philippines (o AFP), may mahigit 1,500 kaso ng paglabag sa karapatang pantao ang mga komunistang rebelde nitong huling sampung taon. Kasama raw sa mga ito ang mga batang dinukot upang gawing batang mandirigma o child warriors ng NPA. Kasama sa mga kasong sinasabing gawa ng NPA ay ang halos 300 insidente ng sadyang pagpatay na humantong sa pagkamatay ng mahigit 370 katao, kapwa militar at mga sibilyan. Hindi biro ang dami ng mga kasong ito, at marapat lamang na hanapin ang katotohanan upang mapanagot ang dapat managot.
Ang International Humanitarian Law (o IHL) ay mga panuntunang layong limitahan ang epekto ng mga armadong tunggalian o armed conflict. Inilalatag ng mga ito ang pananagutan ng mga estado at mga non-state armed groups, katulad ng NPA, sa isang nagpapatuloy na armed conflict. Kasama sa mga pananagutang ito ang pagtiyak na hindi mapapahamak ang mga sibilyan. Sa kabila nito, patuloy ang mga paglabag sa IHL. Patunay ang mga panuntunang ito ng kabiguan nating iwasan ang karahasan at pairalin ang mapayapang paglutas sa mga suliranin ng ating lipunan. Nakalulungkot na maging ang mga ito ay hindi pa rin matupad ng mga nagtutunggaliang partido—kapwa ang mga rebelde at ang puwersa ng pamahalaan.
Sa Catholic social teaching na Caritas in Veritate, nagbabala si Pope Benedict XVI tungkol sa pagiging technical product lamang ng kapayapaan. Ibig sabihin nito, ang kapayapaan ay nagiging bunga lamang ng mga kasunduan at panuntunan sa pagitan ng mga pamahalaan—isama na natin ang mga itinuturing na kalaban ng estado. Ngunit upang maging pangmatagalan at tunay ang kapayapaang uusbong sa mga kasunduang ito, kailangang nakabatay ang mga ito sa mga pagpapahalaga o values na nakaugat naman katotohanan ng buhay ng tao. Sa madaling salita, makakamit natin ang tunay na kapayapaan kung unang-una nating itinataguyod ang buhay at dignidad ng tao. Huwad ang kapayapaang ang tanging layunin ay isulong ang isang ideolohiya o ang interes ng mga nasa poder.
Mga Kapanalig, mapanghamon ang pagkilos para sa kapayapaan. Ngunit hindi ito kailanman maitatatag sa pamamagitan ng karahasan. Nagsisimula ang kapayapaan sa bawat isa sa atin, sa pagpapahalaga natin sa buhay at dignidad ng tao. Gaya nga ng paalala sa Roma 12:18, “Hangga’t maaari, gawin ninyo ang inyong makakaya upang mamuhay kayo nang mapayapa kasama ng sinuman.”