335 total views
Pinuri ng grupong EcoWaste Coalition ang agarang pagtugon ng pamunuan ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church sa panawagang tanggalin ang mga single-use plastic na banderitas sa bahagi ng simbahan bilang dekorasyon sa kapistahan ni San Juan Bautista.
Ayon kay EcoWaste Zero Waste Campaigner Jove Benosa, kampante sila na agad na tutugunan ng Quiapo Church ang kanilang panawagan na tanggalin ang nasabing mga banderitas dahil ito’y mapanganib at labag din sa panawagan ng simbahan hinggil sa pangangalaga ng kalikasan.
“When we called the Quiapo Church’s attention to the wasteful use of plastic buntings, we were confident that they would listen and they did listen. We laud Monsignor Ding Coronel, rector and parish priest, for listening to our plea against the senseless use of disposable plastic decors that only add to plastic pollution,” pahayag ni Benosa.
Paliwanag ng grupo na ang paggamit sa mga plastic labo bilang banderitas ay malaking suliranin sa kapaligiran na nagdudulot ng polusyon hindi lamang sa mga kalye, kundi lalo na sa karagatan at mga yamang-dagat.
Umaasa naman ang grupo na nawa’y ang naging pagkilos ng Quiapo Church ay makahikayat din ng mga mananampalataya na ihinto na ang paggamit sa mga single-use plastics at sa halip ay palaganapin ang paggamit sa mga reusable na bagay.
Magugunitang naglabas ng pastoral statement noong taong 2019 ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines kaugnay sa panawagan para sa ecological conversion na hinihikayat ang bawat Diyosesis sa bansa na isabuhay ang mga aral at alituntunin ng ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco.
Batay naman sa inilabas na pag-aaral ng the Netherlands-based Ocean Cleanup, kabilang ang Pasig River at 18-ilog sa Pilipinas sa 50-ilog sa buong mundo na malaki ang ambag sa plastic pollution sa mga karagatan.