333 total views
Binigyang diin ng Military Ordinariate of the Philippines na mahalagang patuloy na maging maingat ang bawat isa kabilang na ang mga kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas mula sa patuloy na pagkalat ng COVID-19 virus sa bansa.
Ito ang mensahe ni Military Diocese Bishop Oscar Jaime Florencio kasunod ng pagtaas ng kaso ng mga nagpopositibo sa COVID-19 mula sa hanay ng Philippine National Police.
Ayon sa Obispo na siya ring vice chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care, kabilang rin ang mga pulis sa mga maituturing na higit na lantad sa virus dahil sa tungkulin ng mga ito na ipatupad ang mga panuntunan bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19 kabilang na ang pagbabantay sa mga checkpoints sa iba’t ibang mga lugar.
Paliwanag ni Bishop Florencio, kinakailangan higit na mas maging maingat ang bawat isa upang hindi makakuha at makapag-uwi ng virus sa kanilang mga kasama at mga pamilya lalo na matapos ang pagkakatuklas ng iba’t ibang variants ng COVID-19 sa bansa.
“Mga kapatid natin na mga kapulisan, yes some of them are in the frontline because then man itong mga checkpoints and implementing the protocols but then we need to be prudent also on this, kahit papaano we have to keep ourselves safe as well kasi kung hindi ang tatamaan diyan hindi lang sila, hindi lang yung mga pulis marami pa kasi every policeman mayroong pamilya po yan.” pahayag ni Bishop Florencio sa Radio Veritas.
Iginiit naman ng Obispo na isang mahalagang sandata rin laban sa banta ng COVID-19 ang pananampalataya sa Panginoon at patuloy na pananalangin sapagkat mayroong natatanging kapangyarihan ang Panginoon na protektahan at ipag-adya ang bawat isa mula sa anumang banta ng kapahamakan.
“Then again we have to factor in also the faith that we have, we have to continue to pray because there is also power in prayer, power in God intervention.” Dagdag pa ni Bishop Florencio.
Batay sa pinakahuling PNP COVID-19 Cases Update ng PNP Health Service noong ika-20 ng Hunyo umaabot na sa 26,729 ang kabuuang kaso ng sakit mula sa hanay ng PNP kung saan 71 na ang nasawi habang mayroon namang 1,843 ang active cases sa kasalukuyan.