207 total views
Tiniyak ng Diyosesis ng Novaliches ang pakikipagtulungan sa malawakang vaccination program ng pamahalaan.
Ayon kay Fr. Harvey Bagos, overall in-charge ng vaccination rollout ng diyosesis ito ang paraan ng simbahan na makiisa sa kampanyang labanan ang pagkalat ng coronavirus sa lipunan na labis nakakaapekto sa mamamayan.
“Tuloy-tuloy pa rin ang pagbabakuna at ang commitment naman ng diocese ay gamitin ang ating mga simbahan upang mas mapabilis ang pag-rollout araw-araw,” pahayag ni Fr. Bagos sa Radio Veritas.
Sinabi pa ng pari na sa kasalukuyang mahigit na isanlibo ang nakatanggap ng bakuna sa pangunguna ng diyosesis kung saan karamihan sa A1 hanggang A3 priority group ay fully vaccinated na.
Unang tumanggap ng bakuna ang mga pari ng diyosesis at ilang parish volunteer workers na mangangasiwa naman sa gagawing vaccination program sa mga parokya.
Pagbabahagi ni Fr. Bagos ilan sa mga parokyang nagsasagawa ng vaccination rollout ang Pagkabuhay Parish sa Bagbag, San Bartolome Parish sa San Bartolome at Holy Family Parish sa Gulod na pawang nasasakop sa Novaliches Quezon City.
Sa North Caloocan naman isinasagawa ang pagbabakuna sa Caloocan Sports Complex at sa Our Lady of Fatima Parish sa Urduja Caloocan.
Umaasa ang pari na madadagdagan pa ang mga parokya na magbubukas para sa pagbabakuna alinsunod na rin sa panawagan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na buksan ang mga simbahan sa vaccination program.
Sa pahayag naman ni Alessandra Moronionas, isa sa mga tumanggap ng Sinovac vaccine mula sa Diocese ng Novaliches mahalagang makiisa sa pagpapabakuna para sa kaligtasang pangkalusugan.
“There is a need really to be vaccinated kasi it is for our own protection; actually, very helpful kasi kapag nabakunahan ka na you have no more fear of going out,” ani Moronionas sa panayam ng himpilan.
Mensahe ni Fr. Bagos sa mamamayan na dapat hindi katakutan ang bakuna laban sa COVID-19 sapagkat ito ay para na rin sa kaligtasan ng mamamayan sa banta ng nakahahawang virus.
“Hindi dapat katakutan ang pagbabakuna sapagkat ito ay commitment at ang ating tugon sa paanyaya ni Papa Francisco na tumulong at maging bahagi ng solusyon at ng ating kaligtasan ng lahat laban sa COVID19,” ani Fr. Bagos.
Sa COVID-19 tracker ng Reuters mahigit walong milyong Filipino na ang nakatanggap ng bakuna o halos 3.7 porsyento sa kabuuang populasyon ang nabakunahan kontra coronavirus.
Patuloy ang panagawan ng simbahan sa mamamayan na magpabakuna laban sa virus upang tuluyang masugpo ang paglaganap ng virus sa lipunan.