400 total views
Mahigpit na ipatutupad ng pamunuan ng Minor Basilica of the Immaculate Conception o Manila Cathedral ang health protocols sa mismong araw ng pagtatalaga kay Archbishop Jose Cardinal Advincula bilang ika-33 Arsobispo ng Maynila.
Ito’y upang matiyak at mapanatili ang kaligtasan laban sa COVID-19 ng mga dadalo sa makasaysayang pagdiriwang.
Batay sa panuntunan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), hanggang 30-porsyento lamang ang pinapahintulutang seating capacity sa mga simbahan sa Metro Manila.
Isasagawa ang pagtatalaga kay Cardinal Advincula, bukas, Hunyo 24, kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista at ang ika-450 anibersaryo ng pagkakatatag sa Lungsod ng Maynila at ng unang parokya ng Maynila na kalauna’y tinawag na Manila Cathedral.
Si Cardinal Advincula ay hinirang ng Kanyang Kabanalan Francisco noong Marso 25, 2021 bilang Arsobispo ng Maynila, kapalit ni Cardinal Luis Antonio Tagle na ngayo’y nagsisilbi bilang Prefect of the Congregation for the Evangelization of Peoples.
Sa nakalipas na 16 na buwan mula Pebrero 2020, nanatiling sede vacante ang Arkidiyosesis at pansamantalang naging Apostolic Administrator si Bishop Broderick Pabillo.