398 total views
Idineklara ng Malacañang ang ika-24 ng Hunyo, 2021 na Special Non-Working Holiday sa Lungsod ng Maynila bilang paggunita sa 450th Founding Anniversary ng syudad.
Sa bisa ng Proclamation No. 1167 na nilagdaan ni Presidential Executive Secretary Salvador Medialdea ay inihayag ng opisyal na ang naturang deklarasyon ay naglalayong bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng Lungsod ng Maynila na gunitain ang isang mahalagang yugto sa syudad.
Binigyang diin naman ng opisyal na mahalaga pa ring matiyak ang pagsunod sa mga ipinatutupad na mga safety health protocol bilang patuloy na pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus sa lungsod.
Samantala, kasabay ng pagdiriwang ng ika-450 anibersaryo ng pagkakatatag sa Lungsod ng Maynila at ng unang parokya sa syudad na kilala ngayon bilang Manila Cathedral ay gugunitain rin ng Simbahang Katolika ang Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista at ang pagtatalaga kay Archdiocese of Manila Archbishop-elect Cardinal Jose Advincula bilang ika-33 Arsobispo ng Maynila
pangungunahan ni Manila City Mayor Francisco Domagoso ang seremonya ng pagtanggap kay Cardinal Advincula sa makasaysayang Postigo Gate ng Intramuros na susunod naman ang pakikipagkita ng Cardinal sa mga alkalde ng mga syudad na nasasakupan ng Archdiocese of Manila na kinabibilangan ng mga Lungsod ng Maynila, San Juan, Pasay, Mandaluyong, at Makati sa Ayuntamiento o kasalukuyang tanggapan ng Bureau of Treasury.
Pangungunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang pagtatalaga kay Cardinal Advincula kung saan bilang pag-iingat tanging 400-indibidwal lamang ang pahihintulutan sa loob ng Manila Cathedral na kinabibilangan ng mga pari ng Archdiocese of Manila at Archdiocese ng Capiz, mga kaanak ng Cardinal at mga opisyal ng national at local government.