629 total views
Manila, Philippines — Pumanaw na sa edad na 61-taong gulang ang dating Pangulo ng Pilipinas na si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III.
Si dating Pangulong Noynoy Aquino na nakilala bilang “PNoy” at ika-15 Pangulong ng Pilipinas na nanungkulan mula noong June 30, 2010 kasunod ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo hanggang June 30, 2016 na siya namang sinundan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Batay sa inisyal na ulat, umaga ng Huwebes ika-24 ng Hunyo, 2021 ng isinugod sa Capitol Medical Center sa Quezon City ang dating Pangulong Aquino dahil sa hindi pa malamang dahilan at kalaunan ay kinumpirmang namayapa na ng ilan sa mga malalapit sa pamilya Aquino.
Sa ilalim ng kanyang platapormang “Daang Matuwid” ay kabilang sa mga tinutukan ng administrasyong Aquino ay ang pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa kung saan sa ilalim ng kanyang termino ay lumago ng 6.0-percent ang naging average annual economic growth ng bansa na pinakamataas mula noong 1970s.
Kabilang sa mga kontrobersiyang naganap sa ilalim ng Aquino administration ay ang Mamasapano encounter kung saan 44 na kawani ng Special Action Forces ang nasawi; ang impeachment ni Chief Justice Renato Corona; at ang kontrobersyal na pagtugon ng pamahalaan sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda noong 2013.