323 total views
Umaapela si Diocese of San Carlos Bishop Gerardo Alminaza kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Justice Secretary Menardo Guevarra na palayain na ang mag-ina ng namayapang si Jesus Alegre na pawang nakulong ng 16-na-taon dahil sa alegasyon ng land grabbing.
Sa open letter ng Obispo para sa pangulo at sa pamunuan ng Department of Justice ay binigyang diin ni Bishop Alminaza na kaakibat ng paggunita sa ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas ay ang paalala sa tungkuling iniatas ng Panginoon sa bawat isa na pagsusulong ng katarungan, pagmamahalan at pagkakapatiran lalo na sa mga mahihina at walang kalaban-laban.
Ayon kay Bishop Alminaza, bilang punong pastol ng Diyosesis ng San Carlos ay nakikibahagi rin ang diyosesis sa pagdadalamhati ng pamilya Alegre sa pagpanaw ng padre de pamilya nito na si Jesus Alegre.
Bukod sa pagkakaloob ng Executive Clemency at muling pagsusuri sa kaso ng mag-inang si Morita at Selman Alegre ay nanawagan rin si Bishop Alminaza kay Pangulong Duterte at Justice Secretary Guevarra na pahintulutan ang mag-ina na makadalo sa burol at libing ng kanilang padre de pamilya na si Jesus sa ika-30 ng Hunyo.
Bukod sa pamilya Alegre, muli ring umapela ng kalayaan at katarungan ang Obispo para sa iba pang mga maralita na biktima ng kawalang katarungan sa Negros mula sa usapin ng land grabbing at iba pang pagsasantabi sa karapatan ng mga mahihirap na mamamayan sa lalawigan.