329 total views
Inihayag ni Manila Archbishop Cardinal Jose Advincula na mahalagang isabuhay at ipalaganap ang pananampalataya.
Ito ang pagninilay ng arsobispo sa misang ginanap sa St. John the Baptist Parish sa San Juan City sa kapistahan ni San Juan Bautista nitong Hunyo 24.
Binigyang diin ni Cardinal Advincula ang tema ng pagdiriwang na ‘Dakilang San Juan at San Jose: Kalakbay ng mga Pilipino upang Isabuhay at Ibahagi ang Pananampalataya sa Mundo’.
Paliwanag ng Cardinal na ito ay akma sa paksang ‘Gifted to Give’ sa pagdiriwang ng 500 Years of Christianity ng bansa kung saan hamon sa bawat binyagan ang ipamahagi ang mabuting balita at makiisa sa misyon ni Hesus.
“To live and share the faith that we receive are two essential tasks for Christians today,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Sinabi pa ng pinunong pastol ng arkidiyosesis na mahalagang tandaan ng bawat mananampalataya na ‘essential’ sa buhay kristiyano ang Banal na Eukaristiya, ang sambayanan ng Diyos, ang Salita ng Diyos at higit sa lahat ang pananampalataya sa Panginoon.
Tinuran ng arsobispo ang dakilang gawain ni San Juan at San Jose bilang malalapit na tao kay Hesus kung saan tauspusong tinanggap ang kalooban ng Panginoon na maging katuwang sa misyon sa sanlibutan.
Samantala, labis naman ang pasasalamat ni Msgr. Vicente Bauson, ang kura paroko ng St. John the Baptist Parish kay Cardinal Advincula sapagkat ito ang kauna-unahang parokya na binisita ng Cardinal makaraang italagang ika -33 arsobispo ng Maynila.
“We are honored, privilege and somehow silently feel proud that you have come to say and share the Eucharist with us; your first outside of the Cathedral of Manila and the first time that you said mass in one of the parishes in the archdiocese,” bahagi ng mensahe pasasalamat ni Msgr. Bauson.
Bagamat kanselado ang tradisyong ‘Wattah Wattah Festival’ ng San Juan malugod namang dumalo sa misa ang mananampalataya kabilang na si San Juan City Mayor Francis Zamora.
Mahigpit na ipinatupad sa simbahan ang safety protocol tulad ng pagsusuot ng facemask, faceshield at pananatili ng physical distancing ng mga nagsisimba sa 50 porsyentong kapasidad ng simbahan.