373 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Archdiocese of Tuguegarao sa pagkakatalaga ng Kanyang Kabunyian Jose Cardinal Advincula bilang bagong Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila.
Ayon kay Tuguegarao Archbishop Ricardo Baccay, ang pagkakatalaga kay Cardinal Advincula bilang bagong punong pastol ng Maynila ay tiyak na makapagdudulot ng panibagong sigla sa buong Simbahang Katolika hindi lamang sa Arkidiyosesis ng Maynila.
Partikular na tinukoy ng Arsobispo ang Episcopal motto ni Cardinal Advincula na ‘Audiam’ na nangangahulugan ng kanyang kahandaan na makinig.
Pagbabahagi ni Archbishop Baccay, isang mahalagang paalala ito sa layunin at misyon ng Simbahan na itinakda sa naganap na 1991 Plenary Council na pagsisilbing isang ganap na Church of the Poor ng Simbahan sa pamamagitan ng tunay na pakikinig sa hinaing at pagsusumamo ng bawat isa sa lipunan.
“On behalf of the faithful of the Archdiocese of Tuguegarao, I wish to greet His Eminence, Jose Fuerte Cardinal Advincula, as the new Archbishop of Manila. His appointment is a new fresh air of being a Church which his motto clearly defines for us – Audiam (I will listen). His presence will continue to bring inspiration to move Manila and the whole Church in the Philippines reach out to people with the image of a young, simple, and compassionate Church, and thereby fulfilling the dream set by 1991 Plenary Council to be genuinely a Church for the Poor.” pagbati ni Archbishop Baccay.
Tiniyak naman ni Archbishop Baccay ang pakikiisa ng Archdiocese of Tuguegarao sa pagsusulong ng misyon ng Simbahan na patuloy na maipalapit at maipalaganap ang Salita ng Diyos sa bawat isa lalo na ngayong ginugunita sa Pilipinas ang ika-500 anibersaryo ng pagdating ng pananampalatayang Kristiyano.
Giit ng Arsobispo, hindi lamang ang mga mananampalataya ang dapat na tutukan at gabayan ng Simbahan kundi maging ang mga naliligaw ng landas at mga walang pinananampalatayaan.
“Marked by this timely celebration of 500 years jubilee of faith, may we join him in his mission of leading our Church that accompanies the faithful, including those who have fallen away, far from us, or may not even like us.” Dagdag pa ni Archbishop Baccay.
Naganap ang makasaysayang pagtatagala kay Cardinal Advincula bilang ika-33 Arsobispo ng Arkidiyosesis ng Maynila kasabay ng Dakilang Kapistahan ng Pagsilang ni San Juan Bautista at ika-450 anibersaryo ng pagkakatatag sa Lungsod ng Maynila noong ika-24 ng Hunyo, 2021 na pinangunahan ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown.