546 total views
Mayroong labanan sa pagitan ng kultura ng buhay at kamatayan na nagaganap sa lipunan sa kasalukuyan.
Ito ang ibinahagi ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa marahas na paraan ng pagsusulong ng kapayapaan at kaunlaran sa bansa.
Ayon sa Obispo, kapansin-pansin sa kasalukuyang panahon ang pagsusulong sa kultura ng kamatayan bilang paraan upang matamo ang kaunlaran at kapayapaan.
“There is a big struggle that is happening in our time: the struggle between the culture of life and the culture of death. Lahat naman tayo ay naghahangad ng kaunlaran. Gusto natin maabot ang kapayapaan. Pero sa anong paraan ba natin matatamo ang kaunlaran at kapayapaan? Dito na pumapasok ang labanan ng kultura ng kamatayan at kultura ng buhay.” pahayag ni Bishop Pabillo.
Partikular na tinukoy ni Bishop Pabillo ang tahasang pagsusulong ng kultura ng kamatayan sa bansa na makikita sa mga kaso ng pagpaslang sa mga may kaugnayan sa ilegal na droga at sa mga rebelde, ang pagsusulong ng pagbabalik ng death penalty, at red-tagging na nauuwi sa Extra Judicial Killings.
Gayundin ayon sa Obispo ang pagsusulong sa pagkitil sa buhay ng mga sanggol sa pamamagitan ng abortion at pagtapos sa buhay ng mga matatanda at may malulubhang karamdaman sa pamamagitan ng euthanasia.
“Ang paraan ng kultura ng kamatayan, ay iyan, kamatayan ang paraan upang maabot ang kaunlaran at ang kapayapaan. Kailangan patayin ang criminal – kaya isinusulong ang pagpatay sa drug addicts kuno at ang death penalty, patayin ang mga rebelde, kaya nandiyan ang red tagging na nauuwi sa Extra Judicial Killings, patayin ang batang sagabal sa pag-unlad ng pamilya o ng pangarap ng babae sa buhay – kaya nandiyan ang abortion, patayin ang matatanda na wala namang pag-asa pang mabuhay nang maayos – kaya nandiyan ang euthanasia at assisted suicide.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Giit ng Obispo, hindi kinakailangang pumaslang ng sinuman upang makamit ang kapayapaan sapagkat ang kapayapaan at kaunlaran ay ganap na makakamit lamang sa pamamagitan ng pagtutulungan, pagkakaisa at paggalang sa isa’t isa.
Paliwanag ni Bishop Pabillo, ang kultura ng buhay ang higit na dapat na mamayani sa bayan kung saan tanging sa pamamagitan ng pag-uusap at pagkakaunawaan magkakaroon ng kapayapaan at pag-unlad na walang naisasantabing sinuman sa lipunan.
“Ang culture of life naman ay naniniwala na ang kapayapaan at kaunlaran ay maaabot ng pagtutulungan, ng paggalang sa isa’t isa, ng pagtulong sa mga mahihina. Ang kapayapaan ay makukuha sa pag-uusap at pag-unawa. Magkakaroon ng kaunlaran kung ang lahat ay makikinabang, at hindi lang ang iilan at the expense of the weak and the voiceless.” Ayon kay Bishop Pabillo.
Pagbabahagi ng Obispo, kaakibat ng kultura ng buhay ang paniniwala sa angking kabutihan ng bawat isa.
Binigyang diin rin ni Bishop Pabillo na hindi mababago ang paninindigan ng Simbahan sa pagsusulong sa kultura ng buhay.
“Sa clash o labanan ng kultura ngayon, siyempre alam natin kung saan panig ang simbahan. The Church and the believers in God are on the side of life because this is the side of God.”