411 total views
Upang tugunan ang “spiritual needs” ng mga mananampalataya sa Pilipinas, Overseas Filipino Workers at Filipino immigrants ay ilulunsad ng Radio Veritas 846 ang midnight healing mass at eucharistic adoration.
Layunin nitong higit mapalago ang pananampalataya ng mamamayan at mailapit sa tao ang biyaya ng Panginoon. Ayon kay Radio Veritas President Fr. Anton CT Pascual, mahalagang makita ng mamamayan ang lawak ng grasya ng Diyos sa kabila ng panganib na dulot ng pandemya.
“Napakahalaga ngayong panahon ng pandemya na makita ang grasya ng Panginoon at hindi ang panganib sa krisis; ang Banal na Eukaristiya ang pinakamataas na uri ng panalangin upang mapalapit ang grasya ng Diyos,” pahayag ni Fr. Pascual sa Radio Veritas.
Ito rin ang tugon ng himpilan sa tumataas na kaso ng iba’t ibang uri ng depresyon sa lipunan dulot ng matinding hamong kinakaharap ng mamamayan.
Naniniwala naman si Fr. Roy Bellen, ang Vice President ng Radio Veritas na sa kalaliman ng gabi higit nararamdaman ng tao ang labis na kalungkutan kaya’t mahalagang mapaigting ang pagpapahayag ng Salita ng Diyos.
“Alam nating lahat na ang depresyon at kalungkutan umaatake lalo sa gabi kung saan tahimik ang mga tao; people are so vulnerable during this hours kaya gusto ng himpilan na mapatingkad lalo ang sakramento at ang presensyan ng Diyos sa banal na misa para hindi lang words of wisdom mula sa mga pari kundi mismong ang presensya ng Panginoon na magbibigay ng lakas ng loob,” ani Fr. Bellen.
Magsisimula ang midnight mass sa Hunyo 29, 2021 ganap na alas dose ng hatinggabi sa programang Healing Touch sa Veritas kasabay ng kapistahan nina Apostol San Pablo at San Pedro.
Umaasa ang pamunuan ng Radio ng Simbahan na higit mapalalim ang ugnayan ng mananampalataya sa Panginoon sa pamamagitan ng komunikasyon sa radyo, telebisyon at social media kung saan mapanuod at mapakinggan ang banal na misa. Layunin din nitong maabot ang mga Overseas Filipino Workers sa iba’t ibang bahagi ng daigdig na iba ang time zone sa Pilipinas upang mabigyang pagkakataon na makadalo at makapakinig ng live mass.
“Ramdam na ramdam ng mga OFW ang labis na kalungkutan sa ibang bansa lalo ngayong pandemya kaya maganda makarinig at makabahagi rin sila ng live mass sa tagalog para mapalakas ang kanilang loob,” dagdag pa ni Fr. Bellen.
Bago ang Banal na Misa magkakaroon ng pagtatanod sa Banal na Sakramento habang sa katahimikan ay idalangin ang mga intensyon at kahilingan ng bawat mamamayan.
Pangungunahan ng mga Healing Touch anchor priests ang misa mula Linggo hanggang Biyernes.
Inaanyayahan ang bawat isa na makiisa sa banal na pagdiriwang at maaring makipag-ugnayan sa himpilan para sa mga prayer request at intentions sa pamamagitan ng telepono bilang 8925-7931 hanggang 39 local 129 o mag-text sa 09176314589 at hanapin si Ms. Renee Jose ang nangangasiwa sa Religious Department ng Radio Veritas.
Ito rin ay bahagi ng pagpapalawak ng Radio Veritas sa misyon ng simbahan lalo ngayong ipinagdiriwang ang ikalimang sentenaryo ng kristiyanismo sa Pilipinas. Mapakikinggan ito sa Radio Veritas 846, Cignal Cable TV channel 313, E-Radio portal at mapapanuod sa livestreaming sa Youtube at Facebook sa Radyo Veritas Ph.