482 total views
Inilarawan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang isang komunidad sa Pasay City na sumasalimin sa realidad ng buhay ng karaniwang Filipino.
Ito ang pagninilay ni Cardinal Advincula sa misang ginanap sa Mary Comforter of the Afflicted Parish sa Maricaban Pasay noong Hunyo 27, 2021.
Napili ng Archdiocese of Manila na bisitahin sa unang pagkakataon ni Cardinal Advincula ang komunidad ng Maricaban.
“Maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap; ang inyong komunidad dito sa Maricaban ay isa sa mga una kong nadalaw at sa aking pag-ikot ay nakita ko ang realidad, realidad ng inyong buhay na siyang larawan ng realidad ng buhay ng marami sa ating mga kapatid dito sa Archdiocese of Manila; realidad ng kahirapan, ng pangangailangan, ng pagdurusa ng pagiging kapos sa maraming bagay at ng kawalan ng pagasa,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Advincula.
Ikinalungkot ng arsobispo na sa kabila ng kasalukuyang sitwasyon ng mamamayan ay pinalala pa ito ng epekto ng coronavirus pandemic kung saan marami ang nagdusa dahil sa kawalan ng pagkakitaan.
Sa pagbisita ng Kardinal sa Maricaban pinangunahan nito ang pamamahagi ng tulong sa mahihirap na pamilya sa pakikipagtulungan sa Caritas Manila, ang social arm ng arkidiyosesis.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Caritas Manila Executive Director Fr. Anton CT Pascual ibinahagi nitong suportado ni Cardinal Advincula ang mga programa ng institusyon lalo na ang scholarship program sa kabataan at ang plant-based program para isulong magandang kalusugan ng mamamayan.
Dahil dito tiniyak ni Fr. Pascual ang buong suporta sa arsobispo sa pamamagitan ng pagpapaigting sa mga programa ng Caritas Manila.
“Mas lalo tayong inspired na pag-ibayuhin ang ating paglilingkod sa mga mahihirap lalong lalo na sa bandang Tondo [Manila], dito sa Maricaban [Pasay] upang madama ng mahihirap ang presensya ng Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod ng simbahan,” pahayag ni Fr.Pascual sa Radio Veritas.
Nasa isandaang pamilya sa lugar ang napagkalooban ng tulong ng Caritas Manila na mga food bags at maging ng gift certificates.
Labis namang ikinatuwa ni Fr. Russel Ocampo, kura paroko ng MCAP ang pagdalaw ni Cardinal Advincula at pinasalamatan ang nasasakupang mananampalataya sa pakikiisa sa paghahanda sa pagdalaw ng cardinal at pagtiyak na maipatupad ang safety health protocol.
Pinasalamatan din ni Fr. Ocampo ang Caritas Manila sa patuloy na suporta sa kanilang parokya lalo sa pangangailangan ng mga nasasakuapang mamamayan.
“Una lubos po yung pagpapasalamat po namin sa Caritas Manila na walang sawang tumutulong dito sa amin simula pa po noong hindi pa pandemya talagang tumutulong na po ang Caritas Manila dito sa Maricaban lalot higit ngayong pandemya; napakagandang simbolo po yung ginawa kanina na inabot yung mga regalo ng Cardinal sa kanila,” pahayag ni Fr. Ocampo.
Bago italagang arsobispo ng Maynila kilala si Cardinal Advincula bilang malapit sa mahihirap sa pamamagitan ng kanyang mga programa sa Archdiocese ng Capiz na pagtatayo ng mga mission stations sa mga kanayunan at sa lugar ng mga katutubo.
Hunyo 24 nang pormal na italaga si Cardinal Advincula bilang ika – 33 arsobispo ng Maynila kahalili ni Cardinal Luis Antonio Tagle na kasalukuyang nasa Vatican.