471 total views
Nagpatupad ng ilang pagbabago ang Archdiocese of Caceres upang ma-enhance ang ilang elemento ng opisyal na coat of arms nito na hango pa rin sa orihinal na sagisag na ginagamit ng arkidiyosesis.
Sa liham sirkular ni Caceres Archbishop Rolando Tria Tirona, inihayag ng Arsobispo na ang pagbabago sa kasalukuyang coat of arms ay bahagi ng patuloy na paggunita sa ika-70-anibersaryo mula ng itinalaga ang Caceres bilang isang arkidiyosesis mula sa pagiging isang diyosesis noong June 29, 1951.
Ayon kay Archbishop Tirona, puno ng kagandahan at kahulugan ang coat of arms ng arkidiyosesis na sumisimbolo at sumasagisag sa mayamang kasaysayan ng pananampalataya, pag-asa at pag-ibig sa Panginoon ng bawat mananampalataya sa loob ng mahigit 400-taon mula ng maitatag ang Diocese of Nueva Caceres noong August 14, 1595.
Ipinaliwanag ng arsobispo na sa paglipas ng mga taon ay kapansin-pansin na rin ang pag-iba-iba at hindi tamang pagkakasalin sa coat of arms ng arkidiyosesis na dahilan upang mawala ang tunay na kahulugan at simbolismo nito.
Binigyang diin naman ni Archbishop Tirona na mahalagang sundin ng bawat parokya, paaralan, institutions, communities, offices, commissions, at ministries sa Archdiocese of Caceres ang guidelines para sa naaangkop at tamang paggamit ng enhanced coat of arms ng arkidiyosesis upang mapanatili ang simbolo at kahulugang nakapaloob dito na pinangasiwaan ng Caceres Commission on Communications.