584 total views
Kapanalig, ang ating bansa ay isa sa pinakamalaking supplier ng mga marino sa buong mundo. Noong 2018, tinatayang may mga 400,000 na Filipino seafarers, at binubuo nila ang 30% ng kabuuang global maritime labor force. Noong 2019, umabot sa $6.14 billion ang kanilang naging ambag sa ating ekonomiya.
Nagbago lahat ito ng dumating ang COVID-19 pandemic. Sa gitna ng pamamayagpag ng ating mga marino sa buong mundo, biglang tumigil ang paglalayag ng maraming barko. Ang maritime industry, kapanalig, ang isa sa mga industriyang labis na naapetuhan ng pandemya. Ayon nga sa United Nations Conference on Trade and Development (UNCTAD), dahil sa COVID-19, bumagsak ng 4.1% ang global maritime trade noong 2020. Maliban pa dito, tinatayang mga 400,000 na marino pa ang stranded sa kanilang mga barko at hirap makauwi dahil sa mga restriksyon sa mga bansang kanilang pinanggalingan. Mayroon ding mga 400,000 na marino na nawalan ng trabaho.
Sa ating bansa, sa unang tatlong buwan ng pandemic, naging 17,845 na lamang ang mga outbound o deployed na marino na nasa listahan ng Philippine Overseas Employment Agency. Kamusta na kaya ang buhay ng ating mga seafarers? Nakabawi na ba sila matapos ang isang taon ng pandemya?
Hindi matatawaran ang hirap na pinagdadaanan ng mga marino. Bago pa man dumating ang COVID-19, marami na silang mga hinaing. Sa ating bansa, hirap ang maraming seaman dahil unang-una, hindi biro ang magtrabaho sa barko – malayo ka na nga sa pamilya mo, peligroso pa ang trabaho. Pag-uwi naman nila dito sa bansa, kinahakaharap naman nila ang mataas na presyo para sa training na kailangan nila para umusad naman ang kanilang karera sa industriya. Malakas na rin ang kumpetensya, hindi lamang sa kapwa Filipino, kundi sa mga dumadaming marino mula sa ibang bansa. Sa panahon ng mas maraming restrikyon gaya ngayon, mas matindi ang agawan sa pwesto.
Kaya ngayong pandemya, dapat mabigyan ng atensyon ang sitwasyon ng mga marino ng bansa. Unang-una, bakuna—kailangang-kailangan nila ito upang makalayag. Kaya sana, mas mapabilis pa ang roll-out upang mas maraming maabot sa kanilang hanay. Kailangan din nila ng mas maliwanag at mas maayos na proseso sa pag-uwi at paglayag; ilang araw sila dapat maquarantine, saan sila pupunta, at kailangan ba nila magbayad.
Ilan lamang ito para masimulan ang mas masusing pag-aalaga sa mga marino. Ang pagtatangi sa mga marino ay paraan natin upang mabigyang halaga naman ang kanilang ambag at sakripisyo para sa bayan. Tinuturo ito sa atin ng Rerum Novarum, na bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan. Ayon dito, “Ang makatarungang administrasyon ay nagbabantay at iniingatan ang mga manggagawa. Tinitiyak nito na matatamasa din ng manggagawa ang mga benepisyo at bunga ng kanilang sakripisyo at paghihirap sa trabaho.”
Sumainyo ang Katotohanan.