327 total views
Muling nanawagan si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa publiko na makipagtulungan sa bakuna program ng pamahalaan laban sa novel coronavirus upang maisakatuparan ang herd immunity hanggang sa Disyembre.
Ayon kay Bishop David sa programang Pastoral Visit on-the-air ng Radio Veritas, nagkaroon na ng ugnayan sa pagitan ng diyosesis at mga lokal na pamahalaan ng Caloocan, Malabon at Navotas upang magkatuwang na ipatupad ang pagbabakuna.
“Kaya ang panawagan nila ay makapag-mobilize ang simbahan ng mga doktor, mga nurse and other volunteer para mas mabilis na magawa ang vaccination program. Sa Caloocan City ang target nila ay ay sana bago dumating ang buwan ng Disyembre ay mabakunahan na mga atleast 70 percent (populasyon).
Para magkaroon ng herd immunity bago man lang mag-Pasko and we will be able to celebrate Christmas more meaningfully,” ayon kay Bishop David.
Una na ring itinatag ng diyosesis ang Kalookan ang Diocesan Health Care Ministry na pinangangasiwaan ni Fr. Rene Richard Bernardo na makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan at punan ang kinakailangang resources at vaccination sites.
Una na ring ipinag-utos ni Bishop David ang pagbubukas ng mga parokya ng diyosesis upang magsilbing vaccination sites para sa programa ng pamahalaan.
Simula noong nakalipas na taon nagsilbi na rin ang mga parokya sa iba’t ibang bahagi ng bansa bilang mga quarantine facility at pansamantalang tahanan ng mga medical at security frontliners bukod pa sa pagbibigay ng pangangailangan ng mga pamilyang apektado ng community quarantines.
Kabilang sa mga parokya ng Kalookan na nagsisilbing vaccination sites ay ang St. Gabriel the Archangel Parish, Our Lady of Parish at Christ the King.
Bukod sa Diocese ng Kalookan, nagbukas din ang mga parokya ng Diocese ng Novaliches bilang mga vaccination areas katuwang ang lokal na pamahalaan ng Quezon City. Sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo, may 10 milyong Filipino na ang nakatanggap ng dalawang dosage ng bakuna laban sa Covid-19.