383 total views
Pinangangasiwaan ng Social Action Ministry ng Diocese of Cabanatuan ang programa ng diyosesis bilang paghahanda sa nakatakdang halalan.
Ito ang ibinahagi ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud kaugnay sa electoral engagement ng Simbahan sa diyosesis.
Ayon sa Obispo, ang Social Action Ministry ng diyosesis ang gumagawa ng mga programa para sa nakatakdang halalan kung saan partikular na tinututukan ang mga kabataan, mag-aaral at mga residente sa bawat barangay upang maibahagi ang kahalagahan ng nakatakdang halalan para sa kinabukasan ng bayan.
Bukod dito, inihayag rin ni Bishop Bancud na bahagi ng nasabing programa ang pagpapaunawa sa malaking hamon sa bawat isa na hindi lamang basta makibahagi sa pamamagitan ng pagpaparehistro at pagboto sa halip ay kinakailangan rin ang matalinong pagpili ng mga karapatdapat na maihalal sa katungkulan sa pamahalaan.
“Definitely kasi through our Social Action Office sila ang gumagawa ng programa, ang ginagawa kasi ngayon isinasama itong Social Action and then ang youth and schools, and then sa mga barangay din kailangan maibigay natin yung pagbibigay ng liwanag sa kahulugan ng darating na eleksyon at lalo na ang pag-unawa sa hamon na nakaatang sa atin…” Ang bahagi ng pahayag ni Cabanatuan Bishop Sofronio Bancud sa Radio Veritas.
Matatandaang binigyang diin ng NASSA/Caritas Philippines na ang mga Social Action Director katuwang ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) sa iba’t ibang diyosesis ang dapat na manguna sa pagsasagawa ng mga programa at mga aktibidad bilang paghahanda sa nakatakdang halalan.
Samantala, una ng inihayag ni Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rowena Guanzon na hindi na palalawigin pa ng ahensya ang nakatakdang deadline ng voters registration sa ika-30 ng Setyembre ng kasalukuyang taon kung saan umaabot na sa 3.5-million ang naitalang bilang ng new registrants.