345 total views
Nagpalabas ng panibagong panuntunan ang Diocese of Sorsogon bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsya maging sa buong Bicol region.
Nasasaad sa diocesan circular ni Sorsogon Bishop Jose Alan Dialogo ang pakikipag-ugnayan ng diyosesis sa City Health Office ng Lungsod ng Sorsogon na nagrekomenda ng mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na safety health protocol bilang pag-iingat mula sa pagkalat ng COVID-19 virus.
Bilang tugon sa naturang rekomendasyon pansamantalang ipatutupad ang limitasyon ng 30-porsyento ng kapasidad ng mga Simbahan sa mga lugar na mayroong matataas na kaso ng COVID-19 na kinabibilangan ng Saints Peter and Paul Cathedral Parish, Our Lady of Fatima Parish, San Roque Parish, at San Ramon Nonato Parish.
Ayon sa mga Obispo, bagamat limitado lamang ang bilang ng mga maaaring makapasok sa loob ng simbahan ay pahihintulutan naman ang pakikibahagi sa Banal na Misa sa labas at paligid ng simbahan.
Bukod sa pagpapatupad ng limitasyon sa bilang ng mga maaaring personal na makibahagi sa mga Banal na Misa ay hinihikayat rin ni Bishop Dialogo ang pansamantalang pagpapaliban at paglilimita sa mga gawaing tulad ng mga prosesyon at motorcade.
Epektibo ang nasabing panuntunan para sa buong buwan ng Hulyo na maaaring mabago batay sa rekomendasyon ng City Health Office ng Lungsod ng Sorsogon sa Diocesan COVID-19 Task Force.