1,554 total views
Nitong panahon ng pandemya, naging prayoridad ng marami ang mental health. Ang mahigit isang taon na pananatili sa bahay at ang sunod sunod na pagkakasakit, at minsan, kamatayan, sa ating paligid ay nagdudulot ng malubhang anxiety para sa marami. Matinding kalungkutan at takot din ang bumabalot sa mga tahanang nabiktima na ng COVID-19.
Napakahalaga kapanalig, ang solidarity at pakiki-isa sa ating panahon ngayon. “Isolated” o nakakaramdam na pag-iisa ang marami sa atin dahil nga tayo ay hindi pa rin gaanong nakakalabas, di gaya ng dati. Sinasabayan pa ito ng kawalan ng trabaho at pagtaas ng bilihin, kaya’t samo’t saring stress ang nararamdaman ng marami.
Tumaas na nga ang bilang ng mga nakakaranas ng depresyon, ayon na rin sa dami ng tawag na natatanggap ng National Center for Mental Health (NCMH) Crisis Hotline. Simula 80 kada buwan bago magpandemic, tumaas ito ng 400 kada buwan. Ayon pa sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang mga insidente ng suicide ay tumaas ng 25.7% nitong 2020, kaya nga’t 27th na ito sa sa mga dahilan ng pagkamatay sa bansa noong 2020, kumpara sa pang 31st noong 2019. Tumaas din ang insidente ng self-harm. Naging 3,529 ito noong 2020, kumpara sa 2,808 noong 2019.
Ayon sa Evangelium Vitae, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan, “May mga pagkakataon na ang tao ay gumagawa ng mga desisyon na labag sa buhay dahil sa matinding pagdurusa, kalungkutan, kawalan ng pag-asa sa kinabukasan, at sobrang pagkabalisa.” Kailangan natin, kapanalig, makita at kilalanin ang mga kapwa nating nasa ganitong sitwasyon upang sila’y ating matulungan. Kailangan madama nila na hindi sila nag-iisa sa buhay, at hindi man nila nakikita sa ngayon, may naghihintay pang magandang bukas para sa ating lahat.
Ayon sa World Health Organization, mas marami ngayong edad 15-29 ang nakakaranas ng depresyon. Sa kanilang hanay sa buong mundo, pang-apat ang suicide sa pangunahing dahilan ng kamatayan. Mas marami sa kanila ay lalaki. Mahalaga, kapanalig, ang early identification o maagang pagkilala sa mga bulnerableng tao, mga support services, at maayos na prevention strategy.
Kapanalig, tunay naman na nakakadurog ng puso ang mga nangyayari sa ating mundo ngayon. Kahit sinong tao ay mahihirapan kayanin ang mga trahedyang nararanasan natin ngayon. Kaya’t napakahalaga na maramdaman natin na tayo ay magkakasama at sabay sabay naglalakbay sa mas masaya, mas malusog, at mas maunlad na hinaharap. Hindi man natin makuha ang inspirasyon at suportang nais natin mula sa estado, ibigay natin ito sa ating mga tahanan at komunidad. Ayon nga sa Caritas in Veritate: The development of people depends, above all, on a recognition that the human race is a single family working together in true communion, not simply a group of subjects who happen to live side by side.
Sumainyo ang Katotohanan.