362 total views
Isa sa mga yaman ng ating bayan ay ang ating biodiversity–mayroon tayong libo-libong wildlife species na dito lamang matatagpuan sa ating bayan. Isa rin tayo sa 17 na biodiverse countries sa buong mundo na nagkakanlong ng two-thirds o mahigit 66% ng kabuuang biodiversity at 70% ng mga hayop at halaman ng mundo.
Kapanalig, dapat nating itong alagaan, dahil kapag nawala sila, may mga species o uri ng hayop at halaman na hindi na maaring maibalik pa. Sa pag-alaga natin, hindi lamang buhay nila ang ating sinasalba, kundi ang buhay mismo nating mga Filipino.
Ang pag-aalaga ng ating biodiversity ay isang malaking hamon. Nakatali kasi sa buhay at kabuhayan ng maraming mga Filipino ang ating kalikasan. Malaking porsyento ng ating mga mamamayan ay nakatira sa mga kagubatan at coastlands, at ang kalikasan ang kanilang source of income. Dahil dito, kulang ang karaniwang pagmumudmud lamang ng impormasyon ukol sa kahalagahan ng kalikasan, o mga training o seminar ukol sa pag-aalaga ng kalikasan. Hangga’t walang sustainable alternative livelihood sa mga komunidad, mahihirapan ang pagpursige ng biodiversity protection.
Isang halimbawa ay ang pagpraktis ng pagkakaingin. Kadalasan, binabawalan lamang ang mga kaingero na magsiga sa kagubatan para may lugar silang matatamnan. Isang halimbawa ay ang mga insidente ng pagkaka-ingin sa Cordilleras, kung saan maraming insidente ng forest fires noong 2019. Kaya lamang, kahit pa pagbawalan ang mga tao dito, uulit at ulit lamang ito dahil wala naman silang alternatibong kabuhayan. Sa dulo, dahil ang kapalit naman ay gutom, itutuloy pa rin nila ang pagkaka-ingin.
Kung nais nating alagaan ang ating biodiversity, kailangan din natin alagaan pa ang isa pang yaman ng bayan, ang mga mamamayan nito. Kaya’t sa mga pagkakataong nakatali sa kabuhayan ang kalikasan, kailangan natin ng maayos na programa para sa sustainable alternative livelihoods. Kung maisasaayos natin ito, ang pamayanan pa mismo ang siyang magiging partner ng estado sa pangangalaga ng kalikasan.
Ang Caritas In Veritate ay may akmang paalala ukol sa isyung ito. Ayon dito, ang kalikasan ay regalo ng Diyos sa bawat isa. Sa paggamit natin nito, mayroon tayong pananagutan sa mga mahihirap, sa hinaharap na mga henerasyon, at sa sangkatauhan. Dapat natin itong responsableng gamitin para sa ating lehitimong mga pangangailangan, habang iginagalang ang balanse ng kalikasan. Kung hindi natin ito gagawin, maabuso natin ang lahat ng nilikha.