314 total views
Binigyang diin ng isa sa mga nagbalangkas ng 1987 Constitution na ‘absolute’ ang probisyon na nagbabawal na muling maging pangulo ang isang pangulo ng Pilipinas na nakapaglingkod na ng isang buong termino.
Ito ang ibinahagi ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. isa sa 1987 Constitutional framer kaugnay sa planong pagtakbo bilang Vice President ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Ayon sa Obispo, sakaling mang manalo si Pangulong Duterte sa pagka-bise presidente sa susunod na halalan ay mawawalan naman ito ng karapatan para sa ‘succession’ sa katungkulan.
Paliwanag ni Bishop Bacani, kung manalo si Pangulong Duterte bilang Vice President at magkataong may mangyari sa maihahalal na pangulo ng bansa, hindi na maari pang humalili bilang pangulo si Pangulong Duterte sa halip ay ang Senate President na ang magsisilbing successor sa katungkulan.
“The prohibition for a president who serves his full term to hold office again as president is absolute. He can never be president again. Thus if he wins as vice president and the president dies he cannot succeed as president again. The successor will then be the senate president. There is no prohibition for him to run as vice president but if elected he will have no right to succession.” Ang bahagi ng pahayag ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. sa panayam sa Radio Veritas.
Una ng nagpahayag ni Pangulong Duterte na ikonsidera siya bilang isa sa kandidato para sa pagka-bise presidente ng bansa para sa susunod na taong 2022, upang maipagpatuloy ang kanyang mga trabahong nasimulan sa pamamahala sa bansa.
Sa ilalim ng Saligang Batas, nasasaad ang pagsisilbi sa loob ng anim na taon o isang termino ng isang Presidente ng bansa at hindi na maaari pang tumakbo para sa panibagong termino ng pagkapangulo.
Gayunpaman, inihayag ng Commission on Elections na walang batas na nagbabawal sa pagtakbo ng isang dating presidente sa iba pang posisyon sa pamahalaan pagkatapos ng kanyang termino na nangyari kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na naging kongresista ng Pampanga.
Sa Oktubre nakatakda ang paghahain ng Certificate of Candidacy ng mga tatakbong sa nakatakdang halalan sa susunod na taong 2022.