345 total views
Tiniyak ng Cooperative Development Authority na gumagawa ito ng mga hakbang para makatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
Sa panayam ng Radio Veritas kay CDA Chairman Undersecretary Joseph Encabo, hinikayat nito ang mga kooperatiba sa bansa na pag-aralan ang mga programa na mapakikinabangan ng mga kasapi.
Dagdag pa ni Encabo na bukod sa pagpalago ng kabuhayan sa pamamagitan ng kooeratiba ay nakatutulong din ito upang makalikha ng mas maraming trabaho para sa mamamayan.
“We encourage the cooperatives to do more and study on their programs, paano nila masuportahan yung kanilang mga miyembro; we also encourage the cooperatives to venture to other business line para maka-generate tayo ng employment sa mga tao,” pahayag ni Encabo sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng opisyal na pag-aralan din ng mga kooperatiba ang pagbibigay ng loan sa mga miyembro at pag-waive sa interes at penalties ng mga existing loans upang hindi mahirapan ang mga miyembro sa pagbabayad lalo ngayong panahon ng pandemya.
Sinabi pa ni Encabo na makikipagtulungan din ito sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno sa pagpapatupad ng mga programa upang makatulong sa dagliang pagbangon ng ekonomiya na pinahina ng pandemya.
“One of the best approaches namin is to come up with a whole of government approach, we partner with other government agencies, provide technical assistance, identify yung mga business na pwedeng gawin that will generate income at the same time employment so thats the way we can bounce back,” ani Encabo.
Ang mensahe ng pinuno ng CDA ay kasabay ng pagdiriwang ng International Day of Cooperatives noong Hulyo 3 kung saan isang blended celebration ang isinagawa sa bansa sa pangunguna ng CDA.
Sa datos na ibinahagi ng CDA, sa Pilipinas noong 2019 tinatayang nasa 12 milyon ang kasapi ng iba’t ibang kooperatiba at nakapagbigay ng trabaho sa 520 libong indibidwal.
Umabot na rin sa 515 bilyong piso ang total assets ng mga kooperatiba sa bansa habang nakapagbahagi rin ito ng anim na bilyong pisong halaga ng tulong sa COVID-19 pandemic response sa mga miyembro at sa buong komunidad.
Sa isang pagpupulong sa Italya noong 2015 kinilala ni Pope Francis ang mahalagang tungkulin ng mga kooperatiba sa pagkamit ng ‘economy of honesty’ kung saan sa patuloy na pagtuklas ng mga bagong pagkakakitaan at negosyo ay higit nabibigyang oportunidad ang mamamayan na kumita at matustusan ang pangangailangan.