214 total views
Mga Kapanalig, ilang araw pa lamang nang nagbanta si Pangulong Duterte na ipahuhuli at ipakukulong niya ang mga hindi papayag na magpabakuna, nakadidismaya (ngunit hindi na nakagugulat) na karahasan na naman ang gustong palaganapin ng presidente. Iminungkahi niyang bigyan ng baril ang mga civilian volunteers upang makatulong daw sa pagpapatupad ng batas. Sinabi niya ito sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng “Global Coalition of Lingkod Bayan Advocacy Support Groups and Force Multipliers” sa Kampo Crame sa Quezon City noong ika-25 ng Hunyo. Bagamat nilinaw na ng Malacañang na hindi pa ito ganap na patakaran, pinangangambahan pa rin ito ng ilang mambabatas lalo na’t marami nang mga kaso ng mga pulis at sundalong umaabuso sa kapangyarihan nilang humawak at gumamit ng baril. Mas magiging delikado kung dadagdgan pa ang mga taong wala namang kasanayang gumamit ng baril.
Nakakaalarma ang ganitong ideya ng pangulo, at nakababahala kung maisasakatuparan ito dahil maaari itong maging sanhi ng pagdami ng mga kaso ng walang habas na pamamaril ng mga naturingang tagapagpatupad ng batas. Sinong makalilimot sa kaso ng isang pulis sa Tarlac na bumaril at pumatay sa mag-inang nakasagutan niya? O sa kaso ng isang lasing na pulis na pumatay sa isang 52 taong gulang na babae sa Quezon City? Hindi natin inihahalintulad ang dalawang pulis sa mga civillian crime volunteers, ngunit mahalagang isaalang-alang na palaging nariyan ang tuksong gamitin ang baril bilang panakot. Hindi rin imposibleng makaudyok ito sa sinumang may hawak na baril upang depensahan ang kanyang sarili, kahit sa pagkakataong hindi naman kailangan.
Hindi natin binabalewala ang maitutulong ng mga civilian crime volunteers sa kapulisan, ngunit hindi pa ba sapat ang malaking badyet na inilalaan para sa sahod ng mga pulis upang gampanan nila nang mahusay ang tungkulin nilang panatilihin ang peace and order sa mga komunidad nang hindi kinakailangang magdagdag ng armadong sibilyan? May mabigat na rason kung bakit mahirap at mahigpit ang proseso ng pagkakaroon at pagbitbit ng baril: kapag binigyan ng baril ang isang tao, para bang binibigyan din siya ng kapangyarihang hawakan ang buhay ng ibang tao. Maaari din itong magbigay sa kanila ng pakiramdam na may kapangyarihan sila sa ibang tao at maaari itong magamit sa maling paraan. Kung hindi pag-iisipang maigi, hahantong ang mungkahing armasan ang mga civilian volunteers sa mas maraming pang-aabuso sa karapatang pantao.
Bagamat kinikilala natin ang ambag ng mga civillian volunteers sa pagtugon sa krimen sa pamamagitan ng pagbibigay nila sa kinauukulan ng tama at tunay na impormasyon, hindi kailangang idaan lagi sa dahas ang pagpapanatili ng kapayapaan sa ating paligid. Mas magkakaroon ng kapanatagan at katahimikan ang ating lipunan kung hindi karahasan ang paiiraling solusyon. Gaya ng sabi sa Mateo 5:9, “mapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan, dahil tatawagin silang mga anak ng Diyos.” Binibigyang-diin din sa mga panlipunang turo ng Simbahan ang prinsipyo ng peace and active non-violence na kung saan dapat protektahan ang karapatan sa buhay sa pamamagitan ng paghahanap ng mga mabisang paraan upang maiwasan ang kaguluhan at malutas ang mga ito sa mapayapang pamamaraan.
Mga Kapanalig, isang pribilehiyo na makukuha sa pamamagitan ng mahigpit at mahabang proseso ng pagsasanay at disiplina ang pagkakaroon ng baril at ang karapatang bitbitin ito sa publiko. Mas dapat pagtuunan ng pansin ng kinauukulan at ng mga mambabatas ang pagpapaigting sa pagkontrol ng pagkuha at pagkakaroon ng baril at ang hindi pagturing dito bilang tanging paraan upang tugunan ang probema natin sa kriminalidad. Sa huli, kailangan ang ibayong pagsisikap, pagtutulungan, at pakikiisa ng mga pulis at ng mga mamamayan upang tunay na maging mapayapa at maayos ang ating mga komunidad.