245 total views
Mga Kapanalig, ano ang iyong mararamdaman kung matapos ang iyong pagpapagod sa trabaho, ang matatanggap mong suweldo ay mga baryang nakaplastik?
Naging viral kamakailan sa social media ang kuwento ng isang empleyado ng isang pabrika sa Valenzuela nang ang ibinigay sa kanyang suweldo para sa dalawang araw na pagtatrabaho ay mga baryang nakalagay sa plastik. Umabot sa ₱1,056 ang sahod ni Russel Mañoza, pero ang halagang ito ay binubuo ng lima at sampung sentimong barya. Humingi si Mañoza ng tulong sa lokal na pamahalaan, na agad namang ipinatawag ang kinatawan ng pabrika upang magpaliwanag. Nangako ang alkalde ng lungsod na papanagutin ang mga may-ari ng pabrika para sa aniya ay malupit na pagtrato sa kanilang empleyado.
Ayon sa Department of Labor and Employment (o DOLE), hindi naman daw iligal ang pagbibigay ng suweldong nakabarya. Itinuturing ng ating Labor Code ang mga barya bilang “legal tender” na maaaring ibigay bilang suweldo sa mga manggagawa. Para rin itong ATM na hindi kailangang perang papel ang makarating sa empleyado. Ang ipinagbabawal ng Labor Code ay ang promissory notes, vouchers, coupons, tokens, at tickets bilang pamalit sa perang pansuweldo. Ngunit kung nakabarya ang suweldong ibibigay ng isang employer, lahat ng empleyado ay ganito dapat ang matatanggap. Dapat walang diskrimasyon.
Alinsunod din sa circular ng Bangko Sentral ng Pilipinas, maaari lamang ang suweldong ibibigay nang piso o limampiso kung ang kabuuang halaga ay hindi aabot sa isanlibong piso. Kung ang suweldo ay hindi lalampas sa isandaang piso, pinahihintulutan ang paggamit ng mga sentimong barya. Malinaw na ang nangyari kay Mañoza ay labag sa patakarang ito ng BSP. Isa ring tinitingnang anggulo ang posibilidad na napag-initan si Mañoza kaya siya binigyan ng suweldong nakabarya dahil siya lamang ang nakatanggap nang ganoong suweldo.
Maituturing ngang malupit ang nangyaring ito kay Mañoza at mabuti na lamang na nailabas ito sa balita at social media. Ngunit may mas matitindi pang paglabag sa dignidad ng mga manggagawang Pilipino na hindi natin nakikita at pinagtutuunan ng pansin. Ang pagpapatuloy ng “endo” o kontraktwalisasyon sa maraming negosyo ay ginagawang mailap sa mga manggagawang magkaroon ng pangmatagalang mapagkukunan ng ikabubuhay nila at kanilang pamilya. Hindi sapat ang umiiral na minimum wage para matustusan ang mga pangangailangan ng marami, lalo na ngayong nagtaasan ang presyo ng maraming bilihin. May mga negosyong hindi nagbabayad ng tamang suweldo at hindi nagbibigay ng nararapat na benepisyo sa kanilang mga manggagawa.
Sa impormal na sektor ng ating ekonomiya, marami sa mga manggagawa ang napipilitang kumayod ng mahigit sa walong oras, hindi nakakakain nang maayos, at walang sapat na pahinga. Para silang mga aliping walang magawa kundi tanggapin ang kanilang kapalaran dahil wala naman silang mahahanap na ibang hanapbuhay, lalo na ngayong nasa krisis pa rin tayo.
Sa Laborem Exercens, isang Catholic social teaching na pinalaganap ni Pope John Paul II, binibigyang-diin ang pagtuon sa taong gumagawa ng trabaho kaysa sa kung ano ang trabahong kanyang ginagawa. “Work is ‘for the worker’ and not the worker ‘for work.’” Nasa sentro ng paggawa ang tao, kaya’t ang lahat ng uri ng trabaho—nasa pormal o impormal man sa sektor—ay dapat sinusukat sa kung paano nito itinataguyod ang dignidad ng tao. At makikita natin ito sa kung paano tinatrato ang mga manggagawa. Kung mababa ang turing sa kanila—gaya ng kung paano sila sinusuwelduhan—maaaring sinasalamin nito ang uri ng lipunang mayroon tayo: isang lipunang walang pagpapahalaga sa mga taong tunay na dahilan ng ating kaunlaran.
Mga Kapanalig, katulad ng ipinahihiwatig sa Jeremias 22:13, kahabag-habag ang magiging wakas ng mga taong pinagtatrabaho ang kanyang kapwa sa di-makataong paraan.