331 total views
Umapela ng panalangin ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa nagaganap na pagpupulong ng kalipunan ng mga Obispo ngayong unang linggo ng Hulyo.
Ayon kay Apostolic Vicariate of Puerto Princesa Bishop Socrates Mesiona, MSP – chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mission, nawa sa tulong ng dasal ng bawat isa ay ganap na maging matagumpay at makabuluhan ang plenary assembly sa ika-8 hanggang ika-9 ng Hulyo.
“We ask for prayers na maging matagumpay and maging fruitful itong aming assembly, for fruitful and meaningful assembly…” Ang bahagi ng pahayag ni Bishop Socrates Mesiona sa Radio Veritas.
Ibinahagi ng Obispo na kabilang sa mga pangunahing tinatalakay ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa ay ang paghahanda para sa Synod of Bishops na unang itinakda ni Pope Francis ang pagsisimula ng lokal na talakayan sa Vatican at sa lahat ng mga diyosesis sa buong daigdig sa Oktubre ng kasalukuyang taong 2021.
Inihayag ni Bishop Mesiona na kabilang sa talakayan ng mga Obispo ay kung papaano maisasakatuparan ang ninanais ng Santo Papa Francisco na manggaling mismo sa bawat diyosesis ang mga usapin na dapat talakayin at bigyang pansin sa nakatakdang Synod of Bishops.
“Isa sa malaking issue na tinatalakay ngayon ay yung paghahanda sa Synod of Bishops kasi gusto ni Pope Francis na manggaling sa baba [sa mga tao] syempre isa sa malaking issue na tinatalakay ngayon paano gagawin na talagang kumbaga manggaling yung consultation sa baba ibig sabihin bawat mga diocesan level, isa yun sa mga malaking issue na tinatalakay naming…” Dagdag pa ni Bishop Mesiona.
Orihinal na nakatakda ang Synod of Bishops sa Vatican sa October 2022 ngunit ipinagpaliban ito ni Pope Francis sa October 2023 hindi lamang dahil sa patuloy na banta ng COVID-10 pandemic kundi upang bigyan ng pagkakataon para sa “mutual listening and discernment” ang buong Simbahang Katolika sa buong daigdig.
Inaasahang pangungunahan naman ni Pope Francis sa Oktubre ng kasalukuyang taon ang pagsisimula ng three-year synodal journey ng Simbahan na binubuo ng tatlong bahagi ang “diocesan phase” mula October 2021 hanggang April 2022; ang “continental phase” mula September 2022 hanggang March 2023; at ang huli ay “the universal church phase” na inaasahang gaganapin na Synod of Bishops sa Vatican sa October 2023.
Tema ng nakatakdang Ordinary General Assembly of the Synod of Bishops ang “For a synodal Church: communion, participation, and mission”.