296 total views
Nagpaabot ng pagbati ang grupong Living Laudato Si – Philippines kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David bilang bagong pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Ayon kay Rodne Galicha, Executive Director ng grupo na nawa’y si Bishop David ay pagkalooban pa ng Panginoon nang katatagan upang maging epektibong pinuno ng simbahan na bibigyang-pansin ang kahalagahan ng mga turo at aral nito sa pagpapalaganap ng pananampalataya.
Dagdag pa ni Galicha na nawa’y maging instrumento rin ito ng Obispo upang maitaguyod ang pagpapanatili at pangangalaga sa mga likas na yamang nilikha ng Diyos, gayundin ang pagmamalasakit ng simbahan para sa mga mahihirap.
“It is our hope and prayer that his leadership would lead in sustaining actions for integral ecology and conversion, preservation of the integrity of God’s creation, and the building of the Church of the Poor,” bahagi ng mensahe ni Galicha sa panayam ng Radio Veritas.
Samantala, nagpaabot naman ng pasasalamat ang grupo kay outgoing CBCP President, Davao Archbishop Romulo Valles na naging pinuno ng kapulungan sa loob ng apat na taon o dalawang termino.
Pagbabahagi ni Galicha na sa ilalim ng pamumuno ni Archbishop Valles ay ipinakita nito ang pagpapahalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng 2019 Pastoral Letter on Ecology na nagsasaad ng pagtalima ng Simbahang Katolika sa bansa sa ensiklikal na Laudato Si ng Kanyang Kabanalan Francisco.
“We also take this chance to express our gratitude to the outgoing President, Davao Bishop Romulo Valles for dedicating his years of service as the lead shepherd of CBCP. Under his leadership, we saw the issuance of the 2019 Pastoral Letter on Ecology which outlines contextual actions on Pope Francis’ encyclical Laudato Si’,” saad ni Galicha.
Ipinapangako naman ng grupo na patuloy itong makikipagtulungan sa mga pinuno ng simbahan tungo sa pagpapalaganap ng wastong pangangalaga sa ating nag-iisang tahanan.
Si Bishop David ang kasalukuyang Vice President ng CBCP na nanilbihan din ng apat na taon o dalawang termino. Kaugnay nito, hinirang naman bilang bagong Vice President ng CBCP si Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, na kasalukuyang kasapi ng CBCP Permanent Council.
Ang mga bagong opisyal ng CBCP ay pormal na maglilingkod sa Disyembre 1, 2021 at mamumuno sa susunod na dalawang taon.