380 total views
Matagumpay ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagpili ng mga bagong opisyal na kasapi ng CBCP Permanent Council.
Una nang nahalal si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David bilang pangulo ng kalipunan samantalang si Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara naman ang hinirang na pangalawang pangulo ng CBCP.
Nanatiling ingat yaman ng kalipunan si Palo Archbishop John Du, Msgr. Bernardo Pantin naman ang Secretary General habang Assistant Secretary General naman si Fr. Carlo Del Rosario.
Nanatili rin si Tuguegarao Archbishop Ricardo Baccay bilang kinatawan ng North Luzon gayundin si Masbate Bishop Jose Bantolo na kumakatawan sa South Luzon.
Nahalal naman si Balanga Bishop Ruperto Santos na kinatawan ng Central Luzon, Malolos Bishop Dennis Villarojo para sa Southwest at Lipa Archbishop Gilbert Garcera naman sa Southeast.
Nanatili rin sa pwesto ang kinatawan sa Central at Eastern Visayas na si Talibon Bishop Daniel Patrick Parcon gayundin sa Western Visayas na si Kabankalan Bishop Louie Galbines.
Pinalitan naman ni Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan si Misamis Archbishop Martin Jumoad bilang kinatawan ng Northern Mindanao habang nanatili si Mati Bishop Abel Apigo para sa Southern Mindanao.
Ginanap ang paghalal sa mga opisyal ng CBCP Permanent Council nitong Hulyo 8, 2021 sa unang araw ng virtual plenary assembly habang inaasahan naman ang pagpili ng mga opisyal ng bawat komisyon sa ikalawang araw ng plenaryo.
Pormal na manungkulan ang mga bagong halal na opisyal sa Disyembre 1, 2021 hanggang sa Nobyembre 30, 2023.