423 total views
Kaakibat ng pagiging isang ama ang responsibilidad at malaking tungkulin na pag-aalay ng sarili.
Ito ang bahagi ng pagninilay ni Diocese of Legazpi Bishop Joel Baylon kaugnay sa patuloy ng paggunita ng Simbahan sa Year of Saint Joseph ngayong taon.
Ayon sa Obispo, ang pagkakaroon ng anak ay hindi nangangahulugan ng pagiging isang ama sa halip ay dapat itong pagsumikapan at gampanan ng may buong pananagutan tulad ni San Jose kay Hesus at sa Mahal na Birheng Maria.
“we don’t just become fathers, we work at it hindi yun automatic na dahil may anak ka, ama ka na. Ang maging ama ay isang responsibility, isang napakalaking tungkulin at mula sa pag-aalay natin ng ating sarili ay natutupad natin ito and of course St. Joseph is there to model for us…” pahayag ni Bishop Baylon sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo, si San Jose ang pinaka-naaangkop na huwaran ng mga ama at maging ng mga tumatayong ama tulad ng mga spiritual fathers gaya ng mga Pari at mga Obispo. Pagbabahagi ni Bishop Baylon, kamangha-mangha ang kababaang-loob at pagsunod ni San Jose sa kalooban ng Panginoon maging sa kabila ng kawalan ng katiyakan para sa hinaharap.
“There was Joseph that’s the first thing that I can really see as a great model for all Fathers kahit na yung spiritual fathers like myself, mga pari yung bang kaloob pagsunod natin sa kalooban ng Panginoon kahit na hindi natin kaagad o lubos na naiintindihan ang gusto niya…” Dagdag pa ni Bishop Baylon.
Ayon sa Obispo, si San Jose ang nagsilbing daluyan ng presensya ng Panginoon sa buhay ni Hesus at Mahal na Birheng Maria na nagsilbing gabay upang ganap na mahubog ang pagkatao ng panginoon.
Ayon kay Bishop Baylon,ang hamon sa bawat ama ay ganap na magabayan ang kanilang anak sa pagtahak sa landas na itinakda ng Panginoon para sa lahat.
“He was the shadow of the Father, naging expression siya ng presence ng Ama sa buhay ni Jesus at syempre ng Mahal na Birhen and through that he allowed Jesus to developed according to the will of the Father to become that person that He was and that is also the challenge for us fathers to see to it that our sons, our children, our daughters would become what the Lord God wants them to become.” Ayon pa kay Bishop Baylon.
Una ng binigyang diin ng CBCP-Episcopal Commission on Family and Life mahalagang higit pang mapalalim ang pagkilala kay San Jose bilang huwaran hindi lamang para sa paggunita ng Year of Saint Joseph kundi maging sa idineklarang Year of Amoris Laetitia Family ni Pope Francis ngayong taon.
Nakasaad sa Liham Apostoliko ng Kanyang Kabanalan Francisco na may titulong “Patris Corde” ang deklarasyon ng Santo Papa Francisco sa pagdiriwang ng Year of Saint Joseph mula Disyembre 8, 2020 hanggang Disyembre 8, 2021 bilang paggunita na rin sa ika-150 anibersaryo ng pagkakadeklara kay San Jose bilang Patron ng buong Simbahang Katolika.