495 total views
Tiniyak ng Caritas Philippines ang paggamit ng social media platforms sa isasagawang political education bilang paghahanda sa nalalapit na halalan.
Ito ayon kay Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, National Director ng Caritas Philippines kaugnay na rin sa paglagda ng kasunduan sa pagitan ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na magkatuwang na isusulong na payapa at malinis na halalan.
Naniniwala ang Obispo na sa kasalukuyang panahon, ang social media ay ang may malaking impluwensya dahil na rin sa lawak ng naaabot na manonood hindi lamang ang mga kabataan.
“We are crossing our fingers na ang ating electoral education will be able to reach them,” ayon kay Bishop Bagaforo sa panayam ng Radio Veritas.
Hangad din ni Bishop Bagaforo na labanan ang fake news lalo na sa social media.
Ito ay sa pamamagitan ng pagsasagawa ng public forum, seminars at iba pang mga programa sa pamamagitan ng live streaming at social media accounts ng bawat parokya.
Isa na rito ang programa ng Caritas Philippines na masusubaybayan sa official Facebook page tuwing Biyernes.
Muli namang tiniyak ni Bishop Bagaforo na mananatiling non-partisan ang Simbahan at hindi mag-eendorso ng kandidato.
“Ang involvement ng Simbahan ay non-partisan, wala tayong pinapanigan na partido. Dahil ang gusto natin, moral ascendancy at ang kakayanan nila. Do’n nakasentro ang political education natin, dahil ang habol natin ay ang general welfare ng sambayanan,” dagdag pa ng Obispo.
Pinagtitibay ng kasunduan sa pagitan ng PPCRV at Caritas Philippines ang tungkulin ng bawat isa sa paghahanda sa nalalapit na halalan.
Ayon kay Bishop Bagaforo, kabilang na sa bibigyang tuon sa kasunduan ang pagbibigay ng kaalaman at impormasyon sa tamang pagpili ng iboboto.
Ikalawa ayon sa Obispo, ang pangunguna ng bawat diyosesis sa buong Simbahan para sa mga karagdagang volunteers na mangangasiwa sa pagbabantay ng eleksyon.
Higit sa lahat, ayon pa sa Obispo, ay ang patuloy na pagbabantay sa pagtupad ng mga kandidato sa kanilang pangakong pagbabago sa taong-bayan matapos na mahalal.
Ang diocesan social action center ay binubuo ng mga pari at layko mula 86 na diyosesis na bahagi ng higit sa 700-libong volunteers ng PPCRV.