2,499 total views
Kapanalig, kailangan nating makita ang epekto ng bullying sa pag-aaral ng mga bata. Mas mahalaga ito ngayon, kahit pa online na ang mga klase, dahil ang bullying sa mundo ng internet ay mas mapanira sa mental health ng mga kabataan. Sa internet, ang pagbu-bully ay maaring 24 hours o walang tigil, dahil ang naikalat sa cyberspace ay maaring magamit o makita ng marami, kahit anong oras at kahit saan mang panig ng mundo.
Ayon nga sa UNICEF, isa sa tatlong bata sa tatlumpung (30) bansa ay naging biktima na ng online bullying. Sa ating bansa, kalahati ng mga batang may edad 13 hanggang 17 ay naapektuhan ng cyberviolence. Wala ring pinipiling kasarian ang cyber bullying, binibiktima nito mapa-babae man o lalake.
Matindi ang dinadanas na cyber bullying ng mga kabataan ngayon. One-third o ikatlo ng cyberviolence na nararanasan ng mga kabataan ay verbal abuse sa internet o cellphone, pati na rin mga sekswal na mensahe. Kadalasan, ang mga babae ang nakakatanggap ng mga sexual messages habang mas mas maraming lalake naman ang nabibiktima ng mga online bullies na nagkakalat ng imahe ng kanilang katawan o sexual activities, tunay man o gawa-gawa lamang.
Kapanalig, dapat mawaksi na sa ang ating lipunan ang ganitong mga nakakasuklam na gawain. Tinatapakan nito ang dignidad at dangal ng bata. Sila ay musmos pa lamang, at kailangan ng ating gabay, ngunit dahil sa pagiging abot kamay ng internet, marami sa kanila ay nahahayaang mag-isa at bulnerable sa mga online attacks.
Kapanalig, dahil sa bullying, marami ng mga kabataan ang pumili na hindi na lamang pumasok sa paaralan at humiwalay o magtago na lamang at mapag-isa. Ayon nga sa UNICEF, isa sa mga limang bata na nakakaranas ng bullying ay hindi na lamang pumapasok sa paaralan. Nakita rin sa survey ng 2018 Program for International Student Assessment (PISA) na 65% ng mga Filipino high school students ang nakakaranas ng bullying ng “at least a few times a month,” at ang mga biktima, pati na rin ang nambu-bully, ay madalas mag-absent, mas mababa ang performance, at minsan, nagda-drop out na sa paaralan.
Kapanalig, ang bullying, ano man ang itsura nito at saan man gawin, ay balakid sa pagsulong ng mga kabataan. Sa bullying, ang biktima man o kahit aggressor o nambu-bully ay parehong naapektuhan – bumababa ang kanilang performance sa paaralan. At kapag hindi ito napigilan, parehong kinabukasan nila ang madidiskaril. Ayon nga sa Laborem Exercens, bahagi ng panlipunang turo ng Simbahan- ang edukasyon ay isang napakahalagang salik sa pagpapalago ng ating pagkatao.
Sumainyo ang Katotohanan.