389 total views
Pinangunahan ni Caritas Philippines National Director Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang 2021 State of Caritas Philippines o pagbabahagi ng social action arm ng CBCP sa mga nagawa at tinutukan nitong programa noong nakalipas na taon.
Si Bishop Bagaforo ay muling naihalal sa katatapos lamang ng 122nd Plenary Assembly ng kalipunan ng mga Obispo sa bansa bilang chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Action, Justice and Peace (ECSA-JP) na nagsisilbi bilang social action arm ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.
Kabilang sa mga ibinahagi ng Obispo ang ilan sa mga pangunahing programa at gawain na tinutukan ng Caritas Philippines sa nakalipas na taon partikular na bilang tugon sa malawakang krisis na idinulot ng COVID-19 pandemic at ng ilang mga kalamidad na nanalasa sa bansa.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Bishop Bagaforo ang tatlong bagong programang inilunsad ng Caritas Philippines bilang bahagi ng paggunita ng ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas na naglalayong patuloy na makatulong sa mga nangangailangan sa lipunan.
Kabilang sa tatlong legacy program na ibinahagi ng Obispo ay ang Scholarship Program, Family Feeding Program at ang Caritas Development Academy na naglalayong higit na mahubog at mahasa ang kahandaan ng mga kinatawan ng Social Action Ministry ng bawat diyosesis mula sa anumang kalamidad o sakuna.
“In celebration of the 500 years of Christianity ay mayroon tayong bagong programang ila-launch ito yung panawagan ng celebration natin ng 500 years of Christianity we would like to offer something sa ating mga kababayan lalong lalo na yung mga nangangailangan ng tulong so yung ating tatlong legacy program ng 500 years celebration natin ng Christianity yung scholarship highly appreciated yun, yung feeding ng mga pamilya highly appreciated din yun at higit sa lahat yung Caritas Development Academy…” bahagi ng pahayag ni Bishop Bagaforo.
Paliwanag ni Bishop Bagaforo, malaki at mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga Social Action Directors at iba pang kawani ng Social Action Ministry ng bawat diyosesis upang makapagbigay ng mga impormasyon na kakailanganin ng Caritas Philippines para sa kagyat na pagtugon sa mandato nito upang maipaabot sa mga nangangailangan ang habag at awa ng Panginoon bilang kamay ng Simbahan.
“In the spirit and principle of subsidiarity malaki talaga ang tulong ng mga Social Action Directors, sila yung ating kamay without them wala tayong impormasyon at saka without them I don’t think we would be able to implement yung mandato na ibinagay sa atin ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.” Dagdag pa ni Bishop Bagaforo.
Umapela naman ng patuloy na suporta ang Obispo sa mga programa ng Simbahan partikular na ng Social Action Ministry ng iba’t ibang diyosesis na naglalayong makatulong sa mga higit na nangangailangan sa lipunan.
Hinikayat rin ni Bishop Bagaforo ang bawat isa na makisangkot at maging mapagbantay sa mga usaping panlipunan partikular na sa paghahanda para sa nakatakdang halalan sa bansa susunod na taon.