334 total views
Binigyang-pansin ni Taytay Apostolic Vicar-designate, Bishop Broderick Pabillo ang paggunita sa Sea Sunday o Linggo ng Dagat ngayong Ika-labinlimang Linggo sa Karaniwang Panahon, kung saan pinapahalagahan dito ang kalagayan ng mga mandaragat sa buong mundo.
Ayon kay Bishop Pabillo, dito sa Pilipinas, kabilang ang mga maliliit na mangingisda sa mga pinakamahirap na sektor ng lipunan na hindi nabibigyang-pansin ng pamahalaan.
Inihalimbawa ng Obispo ang usapin sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, na lubos nang apektado ang kabuhayan ng mga mangingisda dahil magpahanggang ngayon ay hindi pa rin mabawi ng pamahalaan ang teritoryong pagmamay-ari ng Pilipinas.
“Nandiyan ang mga maliliit nating mangingisda. Isa sila sa sector ng ating lipunan na pinakamahirap. Wala silang proteksyon na natatanggap sa ating pamahalaan. Ang issue ng West Philippine Sea ay nagpapakita na hindi naipagtatanggol ang ating mga mangingisda kahit na sa territory mismo natin. Alalahanin na lang natin ang bangka ng mga mangigisdang Pilipino na sinagasaan ng barkong intsik at pinabayaan sa dagat. Matamlay ang panindigan ng ating pamahalaan para sa kanila,” bahagi ng pagninilay ni Bishop Pabillo.
Dahil naman sa pandemya, karamihan sa mga Pilipinong nasa maritime industry ay hindi makabalik sa kanilang trabaho o magpahanggang ngayon ay nasa dagat pa rin at hindi makauwi sa kanilang mga pamilya.
Karamihan din sa mga mandaragat ang nakakaranas ng labis na kalungkutan dahil sa hirap at hindi maayos na sistema sa pinagtatrabahuhan.
“Ngayong pandemya marami sa kanila ang hirap na hirap. Hindi sila makasakay ng barko o iyong nasa laot ay matagal na hindi nakakauwi. At alam natin ang hirap ng buhay sa laot. Nandiyan ang kalungkutan, nandiyan ang danger sa mga pirates at sa mga bagyo, nandiyan din ang mabigat at mapanganib na trabaho, at nandiyan pa din ang pang-aabuso sa kanila,” saad ni Bishop Pabillo.
Kaugnay nito, hinihikayat ni Bishop Pabillo ang pananalangin para sa mga mandaragat na patuloy na nakikipagsapalaran sa dagat upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang pamilya maging sa ekonomiya ng bansa.
“Pasalamatan natin ang mga seamen and women natin. Hindi tatakbo ang ating ekonomiya kung wala sila. Ipagdasal din natin sila, lalo na ang mga nasa panganib at mahigpit na kalagayan. We owe them a lot,” ayon sa Obispo.
Sa bahagi naman ng Simbahan, mayroong Apostleship of the Sea na kilala bilang Stella Maris na samahang kinabibilangan ng mga pari, madre at layko na nangangalaga sa mga Pilipinong mandaragat.
“Suportahan din natin ang kanilang napakahalagang gawain na tumutulong sa mga Peoples of the Sea natin. Maganda pong isipin na nagpapadala ang Diyos ng mga tao na tumutugon sa iba’t-ibang pangangailangan ng tao,” paghihikayat ni Bishop Pabillo.