382 total views
Ipinanalangin ng Apostleship of the Sea ang mga marino at lahat ng manggagawa sa karagatan sa pagdiriwang ng ‘Sea Sunday’.
Sa mensahe ni Balanga Bishop Ruperto Santos, Bishop-promoter ng Stella Maris Philippines, hinimok nito ang mamamayan na alalahanin sa panalangin ang mga seafarers para sa kanilang kaligtasan habang naghahanapbuhay sa karagatan upang maitaguyod ang pangangailangan ng pamilya.
“As we celebrate Sea Sunday, let us be grateful to God and appreciate His immense creation. We glorify Him for the blessing of seas, for the gifts and goodness which the seas bring us. We commend to God all who live and labor on sea, our seafarers, imploring His graces and guidance to keep them secure, strong and in sound health,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos.
Ipinaliwanag pa ng Obispo na ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan ay kasing lalim ng dagat habang ang kanyang habag at awa ay kasing lawak ng karagatan na patuloy ipinapadama sa bawat isa.
Inihayag ni Bishop Santos na ang buhay ng tao ay tulad ng dagat na sinusubok ng panahon subalit dapat na kumapit sa Panginoon upang maging matatag at mapagtagumpayan ito.
“His love for us is as deep as the sea. His forgiveness is immense as the ocean. Like the sea, God’s love is mysterious yet real. His love is vast, like the sea without measure. God loves us till the ‘seas run dry,” ani ng obispo.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority, nasa humigit-kumulang tatlong milyon ang mga sea-based Overseas Filipino Workers kung saan nahaharap sa matinding pagsubok dahil sa malawakang retrenchment bunsod ng coronavirus pandemic.
Tiniyak naman ng Apostleship of the Sea – Stella Maris Philippines ang patuloy na pag-agapay sa pamilya ng mga marino sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor ng lipunan at simbahan.
Ang Sea Sunday ay ginugunita ng Simbahang Katolika tuwing ikalawang Linggo ng Hulyo kung saan ngayong taon nag-alay din ng panalangin ang Kanyang Kabanalan Francisco para sa mga seafarers sa buong daigdig.