174 total views
Mga Kapanalig, naalala pa ba ninyo ang sinabi noong Hulyo 2020 ni Pangulong Duterte na “back to normal” na tayo pagsapit ng Disyembre 2020? Ipinagmalaki niyang darating bago matapos ang nakaraang taon ang mga bakuna kontra COVID-19 mula sa China. Ang mga mahihirap at mga nasa ospital daw ang unang makatatanggap ng bakuna. Libre daw itong matatanggap ng mga Pilipino.
Libre ngang natanggap ng mga Pilipino ang bakuna, ngunit nitong Marso lamang nai-roll out ang COVID-19 vaccination program ng pamahalaan. Hindi pa tayo bumabalik sa normal, at nananatiling may pinakamahabang lockdown sa buong mundo. Isa ito sa mga ebidensyang binanggit ng Ateneo School of Government sa isang pag-aaral nito tungkol sa naging pagtugon ng administrasyong Duterte sa krisis na dala ng pandemya. Bigo raw ang pamahalaang pabagalin ang pagdami ng kaso ng mga nahahawahan ng sakit o ang tinatawag na “flattening the curve.” Naging epektibo raw sana ang pagtugon ng administrasyon kung tama at akma ang mga taong pinili nito upang pangunahan ang ating laban sa COVID-19—mga doktor at epesyalista, hindi mga taong walang kaalaman sa isang pangkalusugang problema.
Hindi na raw nakagugulat ang naging pag-aaral ng Ateneo, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque. Ngunit hindi ang kinalabasan ng pag-aaral ang kanyang tinutukoy na hindi nakagugulat. Hindi na raw nakagugulat na ganoon ang resulta ng pag-aaral dahil mga taga-Ateneo raw ang gumawa nito. Ipinahihiwatig ng tagapagsalita ng pangulo na hindi makaaasa ng komentong paborable sa administrasyon mula sa Ateneo.
Marami nang pagkakataon kung saan binabalewala lamang ng admnistrasyong Duterte ang mga puna rito, kahit pa may kaakibat na malinaw na datos ang mga ito. Ngunit gaya rin ng sinabi ni Secretary Roque, hindi na rin ito nakagugulat lalo na’t naging malaking tulong upang mapanatiling popular ang pangulo ang mga binabaluktot na katotohanan, lantarang kasinungalingan, at sistematikong pambibilog sa ulo ng mga mamamayan. Sa tulong ng mga trolls at mga panatiko sa social media—at mismong mga taga-pamahalaan—ibinabaón ang tama at totoo lalo na kung salungat ang mga ito sa imaheng nais buuin para sa sikat nating pangulo. Maging ang media na dapat nagsisiwalat ng katotohanan ay binubusalan, at ang mga kritiko naman ay pinatatahimik. Hindi lamang nakababahala ang uri ng pamamahalang hindi nakikinig sa datos at ebidensya. Lubhang delikado ito.
Kung hindi pinakikinggan ng ating mga lider ang mga datos at kung hindi sila magiging bukás sa mga puna at mungkahi, hindi natin maisasagawa ang mga dapat na pagtugon sa mga kinakaharap nating problema bilang isang bayan. Kung hindi pupunan ng tamang datos ang mga patakarang ipatutupad ng pamahalaan, buhay at kabuhayan ng tao ang maaaring maging kapalit. At ito ang nasasaksihan natin ngayon: mahigit 25,000 na ang namatay sa COVID-19, patuloy ang pagdami ng kaso ng nagpopositibo rito lalo na sa labas ng Metro Manila, at hiráp pa rin ang maraming magkaroon ng pangmatagalang hanapbuhay.
Sabi nga sa Mga Kawikaan 18:13, “Nakakahiya at isang mangmang ang isang taong sumasagot bago makinig.” Ang mahuhusay na pinuno ay marunong makinig—mas problema pa kung hindi na nga marunog makinig, mabagal pang kumilos o mali naman ang inihahaing solusyon. Sa kanyang ensiklikal na Fratelli Tutti, ipinaliwanag ni Pope Francis na ang mga nasa pamahalaan ay dapat laging handang makinig sa ibang punto-de-bista nang sa gayon ay walang naiiwan sa kanilang mga pinamumunuan at, higit sa lahat, dapat pinaglilingkuran.
Mga Kapanalig, tungkulin nating sumunod sa ating pamahalaan dahil ito ang dapat na nakakaalam ng makabubuti para sa lahat. Ngunit tungkulin din ng pamahalaang makinig sa mga lehitimong puna at mga mungkahing may kaakibat na datos at ebidensya upang malaman kung ano ang tunay na makabubuti para sa lahat.