512 total views
Patuloy ang Diyosesis ng Baguio sa pagtalima sa minimum health protocols laban sa coronavirus disease, makaraang luwagan ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang travel restrictions sa lungsod.
Dito’y pahihintulutan lamang sa 3,000-turista kada araw ang maaaring pumasok sa lungsod na kailangan lamang ipakita ang QR-coded tourist pass, kalakip ang Certificate of Vaccination na nagpapakitang kumpleto na sa dalawang dose ng COVID-19 vaccine.
Ayon kay Baguio Bishop Victor Bendico, inaasahan ngayon ng Diyosesis ang pagdagsa ng maraming turista mula sa mabababang lugar na nais ding magsimba kasabay ng kanilang intensyong mamasyal sa lungsod.
“So medyo lumuwag-luwag na ‘yung sitwasyon dito. So we still be expecting a lot of low landers… dahil dyan sa pagluwag ni Mayor Magalong.
Patuloy namang ipatutupad sa buong Diyosesis ang mahigpit na pagsunod sa minimum health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield, maging ang paggamit ng alcohol upang maiwasan ang COVID-19 transmission.
Inaasahan din ni Bishop Bendico na kasunod ng pagluwag sa travel restrictions sa lungsod ay tataasan na rin ang bilang ng kapasidad ng mga mananampalatayang nais nang pisikal na makadalo sa mga banal na pagdiriwang.
“Although wala pang official talaga na declaration coming from Mayor Magalong, inaasahan namin na yung seating capacity ay mag-increase na rin,” saad ni Bishop Bendico.
Mananatili sa General Community Quarantine ang lungsod ng Baguio hanggang sa Hulyo 15, kung saan hanggang 30-porsyento lamang ang pinapahintulutang seating capacity para sa religious gatherings.