574 total views
Pinaalalahanan ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines ang mamamayan na maging mapagbantay sa mga kasalukuyang usaping panlipunan lalo na ang papalapit na halalan.
Ito ang mensahe ni Apostolic Vicariate Bishop-elect Broderick Pabillo – outgoing Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on the Laity kaugnay sa nakatakdang halalan sa susunod na taon.
Partikular na tinukoy ng Obispo ang problema ng laganap na political dynaties sa bansa na nagdudulot ng kawalan ng pananagutan o accountability ng mga opisyal ng bayan dahil sa pagkakaluklok naman sa posisyon ng kanilang mga kamag-anak o kapamilya.
Binigyan-diin ni Bishop Pabillo na napakahalaga ng accountability sa pamamahala upang matiyak na hindi maabuso ng mga opisyal ang kanilang posisyon at katungkulan.
“Ang problema po sa political dynasties ay hindi nagkakaroon ng maayos na accountability, paano natin magiging accountable ang mga pulitiko na ang kanilang mga successors, ang mga sumusunod sa kanila ay mga kamag-anak din nila, kaya maganda po na magkaroon ng accountability para po walang mang-abuso ng authority.”pahayag ni Bishop Pabillo.
Pagbabahagi ng Obispo, ang political dynasty ay hindi nagsusulong ng good governance na inaasam ng lahat sa pamahalaan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na mahalaga ang pagbabago sa pamamalakad ng pamahalaan upang magkaroon ng pag-unlad sa political climate ang bansa na hindi lamang nasa kamay ng iilang pamilya o angkan.
“Political dynasties do not promote good governance at isa rin po ang mga ideas natin sa gobyerno o pamamalakad natin sa gobyerno ay hindi nag-i-expand, hindi nagkakaroon ng bagong pamamalakad dahil sa ang naka-upo ay isang pamilya lang kaya ang kanilang poprotektahan ay ang kanilang pamamalakad at ang kasama sa pamamalakad nila ay ang kanilang mga cronies, ang mga taong nasa paligid nila kaya wala pong pagbabago at alam natin kung wala pong pagbabago ay hindi maiimprove ang ating political climate.” Dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Ayon sa Obispo, mahalaga ang partisipasyon at matalinong pagdidesisyon ng bawat botante upang mawakasan na ang political dynasty sa bansa kung saan hindi na dapat pang iboto ng mga botante ang mga politikong may kamag-anak o kapamilya na naglilingkod sa pamahalaan.
“Kaya sana po ang magagawa natin dito ay tayong mga botante, tayo ay maging discerning kapag alam na natin na ang susunod ay kamag-anak, ay anak, ay asawa nung nakaupo huwag na natin botohin.” Hamon ni Bishop Pabillo.
Batay sa datus ng Center for People Empowerment in Governance (CenPEG) aabot sa 178 ang bilang ng mga ‘dominant political dynasties’ o kilalang angkan sa larangan ng politika sa bansa, kung saan sa 94 na porsyento sa 80-probinsya sa Pilipinas ay mayroong na political dynasty.