1,795 total views
Ang usapin ng karapatan ng mga katutubong Lumad sa kanilang lupang ninuno ay nananatiling isang mahalagang suliranin na dapat na bigyang pansin ng pamahalaan.
Ito ang binigyang-diin ni Cagayan de Oro Archbishop Emeritus Antonio Ledesma, SJ – out-going Vice Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Inter-Religious Dialogue sa naganap na 1SAMBAYAN Virtual Townhall: Simbahan at Bayan kaugnay sa mga usaping hindi dapat balewalain o isantabi ng pamahalaan.
Ayon sa Arsobispo, ang karapatan ng mga katutubo sa kanilang mga lupang ninuno ay bahagi ng ‘principle of the universal destination of goods’ na ipinagkaloob ng Panginoon para sa sangkatauhan.
Paliwanag ni Archbishop Ledesma, ang biyaya ng Panginoon ay hindi lamang para sa iilan sa halip ay para sa lahat upang patas na pakinabangan at higit pang palaguin.
“From the point of view of the Catholic Social Teaching, we first emphasize the right of a Lumad community to its ancestral domain area and this is actually connected with the principle of the universal destination of goods that God in His own benevolence has allotted a world for everyone to partake of and not only for a few, and this is the issue now of social justice and the common good for everyone,” pahayag ni Archbishop Ledesma
Pagbabahagi ng Arsobispo, mahalagang matutukan at masolusyunan ng kasalukuyan o susunod na administrasyon ang naturang sitwasyon ng mga katutubo sa bansa na mahalaga at malaki ang ambag sa pagpapanatili ng likas na yaman na tinataglay ng Pilipinas.
Tiniyak naman ni Archbishop Ledesma ang patuloy na pagsusulong ng Simbahang Katolika sa mga karapatan ng mga katutubo partikular na ang mga Lumad sa kanilang mga lupang ninuno.
“We hope that this kind of situation can be address by the present authorities and we also in the church can continue to advocate for the rights of this Lumads communities,” dagdag pa ni Archbishop Ledesma.
Sa tala nasa 14 hanggang 17 milyon ang populasyon ng mga Indigenous Peoples sa bansa na halos karamihan o 61-porsyento ay nasa Mindanao.
Nakasaad naman sa Republic Act 8371 o mas kilala bilang “Indigenous Peoples Rights Act” o IPRA ng 1997 ang pagkilala sa karapatan ng mga Lumads na pamahalaan ang kanilang lupang ninunong saklaw.