171 total views
Nagpahayag ng suporta ang Commission on Human Rights sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na pahintulutan na ang paglabas ng mga bata edad 5-taong gulang pataas sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) at Modified General Community Quarantine (MGCQ).
Ayon kay CHR Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia, kabilang sa mga karapatan ng mga bata ay ang kalayaan na makapaglaro at makibahagi sa iba’t ibang mga social at recreational activities na mahalagang bahagi sa paghubog ng kanilang pagkatao.
Gayunpaman, umaasa ang CHR sa patuloy na pagsunod ng bawat isa sa mga safety health protocol upang matiyak ang kaligtasan ng lahat partikular na ng mga bata.
“Children have the right to leisure, play, and recreational activities. This is crucial to their development and well-being while also enabling their participation in the community’s cultural, social, and artistic life. The Commission on Human Rights (CHR) welcomes the move of the Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) to allow children aged 5 and above to go outdoors in areas under general community quarantine (GCQ) and modified GCQ, as long as the areas are not under heightened restrictions,” pahayag ni de Guia.
Ipinaliwanag ni Atty. de Guia na ang pangangalaga sa kapakanan, karapatan at dignidad ng mga kabataan ay isang tungkuling dapat na gampanan hindi lamang ng mga magulang kundi ng bawat isa sa komunidad.
Pagbabahagi ng opisyal, mahalagang kasabay ng pagbibigay halaga sa mga simpleng karapatan ng mga kabataan ay matiyak rin ang kanilang kaligtasan mula sa COVID-19.
“The preservation of the children’s well-being and dignity is a collective responsibility. We must still ensure that children will suffer no further harm and that their best interest and basic rights are prioritised as we continue to hurdle through this pandemic,” dagdag pa ni Atty. de Guia.
Unang binigyang diin ng CBCP-Episcopal Commission on Health Care na mahalagang matugunan ng pamahalaan, Simbahan at iba pang sektor sa lipunan ang epekto ng pandemya sa kaisipan ng bawat mamamayan partikular na sa mga kabataan.
Sa tala ng Social Weather Station survey noong Hulyo ng nakalipas na taong 2020, 84 na porsyento ng mga Filipino ay nakararanas ng depression dahil sa epekto ng pandemya.