250 total views
Mga Kapanalig, ilalagay mo ba ang kalugusan mo sa kamay ng isang nars na hindi na dumaan sa pagkuha ng board exams? O matitiyak mo bang kaya ng isang abogadong ipagtanggol ang iyong mga karapatan sakaling humarap ka sa isang kaso pero hindi siya dumaan sa pagkuha ng bar exams? Kukunin mo ba ang serbisyo ng isang inhinyerong hindi na kumuha ng board exams upang makapagpatayo ka ng bahay?
Para sa kalihim ng Department of Labor and Employment (o DOLE) na si Secretary Silvestre Bello III, panahon na marahil na tanggalin bilang requirement sa pagkuha ng lisensya ng mga nasabing propesyonal ang pagpasá sa board o bar exams. Sapat na raw ang maraming exams na pinagdadaanan ang mga nag-aaral maging nars, abugado, o engineer sa maraming taon sa kolehiyo. “Puro na lang exam,” reklamo ng kalihim. Parang wala raw tiwala ang Commission on Higher Education (o CHED) sa mga unibersidad na humahasa sa talino at husay ng kanilang mga estudyante dahil kailangan pa nilang kumuha ng exam. Kapag natapos na ng pag-aaral ang isang nais maging nars, abogado, o engineer, puwede na rin daw sana silang makapag-practice na o diretso nang magtrabaho at magbigay ng serbisyo. Hindi rin naman daw garantiya ang pagkakapasa sa bar exams, halimbawa, upang maging mahusay na abugado.
Umani ng batikos ang ideyang ito ni Secretary Bello. Hindi rin siya sinang-ayunan ng Philippine Nurses Association dahil pabababain daw nito ang kalidad ng ating mga health professionals. Mahihirapan din silang makakuha ng trabaho sa ibang bansa kung saan mas matindi ang mga pamantayan sa mga dayuhang propesyunal, katulad ng mga nars. Ang pagpasa sa exam, paliwanag ng asosasyon, ay isang paraan upang matiyak na ang mga nagtatapos sa kolehiyo at nais maging propesyonal ay mahusay na magagampanan ang kanilang kritikal na trabaho.
Iniisip marahil ni Secretary Bello na makatutulong ang pagtanggal sa bar at board exams upang mas mabilis na mapunan ang pangangailangan natin para sa mga propesyonal katulad ng mga nars. Dahil sa pandemya, nalaman nating 40% lamang ng kalahating milyong registered nurses sa Pilipinas—o mga nakapasa sa board exams at nabigyan ng lisensya—ay dito sa Pilipinas nagtatrabaho. Mas marami ang nagtatrabaho sa ibang bansa o kaya naman ay nasa trabahong walang kinalaman sa kanilang kakayahan. Bagamat kailangan ngang madagdagan ang bilang ng mga nars sa ating bansa, ang mas makaeengganyo sa kanilang manatili sa Pilipinas ay ang katiyakang sapat ang matatanggap nilang sahod sa sarili nating bayan. Sa kasalukuyan, ang mababang pasahod sa mga nars sa Pilipinas ang nagtutulak sa mga lisensyadong nars na mangibang-bansa. Hindi ba’t mas nakabababa sa dignidad ng mga propesyonal—na gumugol ng napakahabang panahon sa pag-aaral at halos dumaan sa butas ng karayom sa bar at board exams—ang mababang sahod na kanilang natatanggap?
Dapat nating pahalagahan ang husay ng mga tao sa kani-kanilang karera o propesyon, lalo na kung nakasalalay sa kanila ang buhay ng kanilang kapwa. Hindi ba’t ganito rin dapat ang hinahanap natin sa mga lider ng bayan? Pahiwatig nga sa Mga Kawikaan 22:29, ang mga mahusay magtrabaho ay naglilingkod sa mga hari, hindi sa mga alipin—sa madaling salita, kailangang bigyang-halaga ang husay sa pagtratrabaho, at nagsisimula ito sa paghahanda sa kanila bago suungin ang larangang pipiliin ng isang nais maging propesyonal.
Mga Kapanalig, sabi nga ni Pope Francis sa paggunita ng International Nurses Day noong isang taon, ang mga nars ay tumanggap ng isang napaka-espesyal na bokasyong nangangalaga ng buhay ng tao. At dahil buhay ng tao ang nakasalalay at upang maging epektibong propesyonal, kailangang magkasabay ang kanilang puso para sa kanilang kapwa at talas ng pag-iisip at tunay na husay.